MAGANDA ang panukala ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na pagkalooban si President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) ng emergency powers upang makatulong sa mabisang pagsugpo sa karahasan, hostage-taking, at pamumugot ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG). Maraming Pilipino ang tiyak na kakatig sa pagkakaloob ng emergency powers kay Mang Rody at ilapat ito sa ilang lugar ng Mindanao, tulad sa Basilan, Sulu, Maguindanao.
Dahil sa pagpugot ng ASG sa Canadian na si Robert Hall, iminungkahi ni Sen. Ping, dating hepe ng Philippine National Police, na magdeklara ng martial law sa naturang mga lugar na laganap ang kidnapping. Dito masusubok ang pagiging macho ni Mang Rody kung magagawang malinis ang Mindanao sa pamiminsala ng tulisang grupo na nagsisilbing batik sa imahe at dangal ng Pilipinas bilang isang demokratikong bansa. Katig din dito si Sen. Bam Aquino.
Iminungkahi ni Lacson kung kinakailangang tapatan ng Duterte admin ng katumbas na kalupitan at karahasan ang ASG na dapat isagawa, ito ay sa pamamagitan din ng pagdukot o pagpatay. Hirap ang mga tropa ng gobyerno na mahuli ang ASG dahil sila ay kinakalinga ng mga kamag-anak na binibigyan sila ng bahagi ng milyun-milyong pisong ransom na kanilang nakukolekta mula sa mga hostage. Parang Robin Hood na namumudmod ng pera.
Ang kaibigan kong columnist na si Mon Tulfo ay nagmungkahi na rin noon na ang pinakamabisang solusyon sa pagdukot ng mga tulisan ay dukutin ang kanilang kamag-anak. Ipaalam sa ASG at magbanta na kapag hindi pinalaya ang mga bihag, papatayin din nila ang mga kamag-anak. Ayon kay Tulfo, ito ang pamamaraang kinikilala at kinatatakutan ng ASG, MILF, MNLF at iba pang elementong kriminal sa Mindanao—ang pagdukot at pagpatay sa kanilang kamag-anak. Si Tulfo ay mula sa Mindanao.
Magiging problema lang ng machong alkalde sa paglipol sa ASG ay baka kontrahin siya ng taga-Mindanao na pinangakuan niya ng mabuting buhay at kapayapaan. Si President Rody ang magiging kauna-unahang presidente mula sa Mindanao at umaasa ang Mindanao na magiging progresibo at mapayapa ito, at hindi laging nakasandal sa “Imperial Manila.”
Sa pahayag ng spokesman ni Mayor Digong, si Ernesto Abella, gagawa ng hakbang si Duterte upang mahinto ang pagdukot, pamumugot at iba pang criminal act ng teroristang grupo na pera-pera lang ang layunin, at wala namang ideolohiyang ipinakikipaglaban.
Para kay incoming PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, makabubuting ilagay sa martial rule ang ilang lalawigan sa Mindanao. Sa panig ni incoming AFP Chief of Staff Lt. Gen. Ricardo Visaya, nagsumite na siya ng plano kung paano mag-o-operate ang militar sa Mindanao upang masugpo ang karahasan at kidnapping. Ilalagay ang Sulu sa ilalim ng martial rule dahil malalagot daw ang linya o komunikasyon ng bandidong ASG sa civilian contacts sapagkat ang militar na ang may direktang kontrol sa provincial at local governments sa Mindanao.
Samantala, matindi ang banner story ng isang English broadsheet noong Miyerkules tungkol sa hamon ng ASG kay Mang Rody: “Abus: Killing was for Rody”. Sa report mula sa Zamboanga City, ang pagpugot kay Hall ay para hiyain umano si Duterte ng ASG. “Para kay Duterte, ang bagong presidente, ito ay alamin mo kung ano ang gagawin namin sa Canadian”, sundot ni Abu Raani, ASG spokesman, bago pugutan si Hall dahil sa pagkabigong magbigay ng P600 milyon ransom.
Hinirang ni President Rody bilang bagong kalihim ng Dept. of Tourism ang kapatid ni Mon Tulfo, si Wanda Tulfo-Teo. Magtikom na kaya ng bibig ang kaibigan ko at hindi na sumulat laban kay Mang Rody?