BAKU, Azerbaijan – Wala nang kasunod na Pinoy boxers sa line-up ng delegasyon sa Rio Olympics.

Uuwing luhaan ang Philippine boxing team nang mabigo si Eumir Felix Marcial sa hangarin na makasikwat ng karagdagang silya para sa Pinoy boxer sa Rio De Janeiro Olympics.

Natalo si Marcial sa kanyang unang laban kontra kay Abbas Barou ng Germany, 2-1, Sabado ng gabi (Linggo sa Manila) sa 2016 World Olympic qualifiers dito.

Nahigitan ang 20-anyos na si Marcial, pambato ng Zamboanga City, ng katunggaling German sa iskor na 29-28, 29-28. Nakuha niya ang iskor ng ikatlong hurado, 29-28, sa kanilang duwelo sa welterweight division sa Sarhadchi Stadium dito.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakapanghihinayang ang kabiguan ni Marcial, top seeded sa division, at huling baraha ng delegasyon matapos ang naunang kabiguan ng kasanggang si Ian Clark Bautista.

Natalo si Bautista sa unang round kontra Spanish national champion Jose Kevin dela Nieva, 2-1.

Bunsod nito, tanging sina flyweight Rogen Ladon at featherweight Charly Suarez ang Pinoy boxers na sasabak sa quadrennial meet sa Agosto 5-21.