Kinontra ng Malacañang ang mga panukalang buwagin na ang Commission on Human Rights (CHR) kasunod ng pagbatikos dito dahil sa pagkampi sa mga suspek sa panghoholdap at panghahalay sa mga babaeng pasahero ng isang driver ng colorum na pampasaherong van.
Matatandaang umaani ng batikos ang CHR sa plano nitong imbestigahan ang ilang pulis kaugnay ng pagkamatay ng isa sa mga suspek sa panghoholdap at panggagahasa sa dalawang babaeng pasahero ng isang colorum van sa Quezon City noong nakaraang linggo.
Iginiit ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. na hindi maaaring basta na lamang buwagin ang CHR dahil ang pagkakatatag dito ay alinsunod sa Konstitusyon.
“Paano namang napakabilis nung pagsasabi na buwagin ito (CHR)? Saan kaya nanggagaling ‘yun? May katwiran kaya ‘yun?
Samantalang, malinaw naman ang function nito,” ayon kay Coloma, sinabing ang CHR ay isang independent office na itinatag ng Konstitusyon upang magsiyasat sa lahat ng uri ng paglabag sa karapatang pantao.
“The Commission is empowered to investigate all forms of human rights violations involving civil and political rights; adopt rules of procedure and issue contempt citations; provide appropriate legal measures for the protection of human rights of all criminals within the Philippines; and several other powers in relation to the protection of human rights,” paliwanag ni Coloma.
“Baka naman dapat ay maghinay-hinay lang ‘yung mga napakabilis na tumalon sa mga konklusyon,” dagdag niya.
Ilang oras makaraang maaresto nitong Hunyo 17, napatay ng mga pulis si Alfredo Torado—ang itinurong kasabwat ng una nang nadakip na si Wilfredo Lorenzo—matapos umanong mang-agaw ng baril ng pulis. (Madel Sabater-Namit)