MARAMING buhay ang nailigtas dahil sa kahandaan makaraang sumabog ang Bulkang Pinatubo 25 taon na ang nakalipas, ayon sa mga volcanologist, kasabay ng pagbabalik-tanaw ng bansa sa isang araw noong 1991 nang magwakas ang mahigit 400 taon nang pagkakahimbing ng bulkan at sumabog bilang isa sa pinakamapaminsala noong ika-20 siglo.
Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nabigyang babala sila ng mga senyales ng pag-aalburoto ng bulkan—sunud-sunod na mahihinang pagyanig na may lakas na intensity 2 hanggang 3—na naging mas madalas sa paglipas ng mga araw at linggo. Hiniling ng Phivolcs ang tulong ng US Geological Survey na nagdala ng mga makabagong instrumento. Batay sa pag-aaral sa mga volcanic deposit mula sa huling pagsabog nito 400 taon na ang nakalipas, nagawang makalikha ng Phivolcs ng isang hazard map, na tumukoy sa mga lugar na posibleng maapektuhan.
Kaya naman nang maganap ang matinding pagsabog, nasa 700 lamang ang naitalang nasawi, sa halip na ang una nang pinangambahang libu-libo. Sa kabuuang bilang ng mga nasawi, 40 porsiyento ang namatay dahil sa hindi direktang epekto ng pagsabog, gaya ng ilang nadaganan ng kisame dahil sa makapal na deposito ng abo, 50 porsiyento ang nasawi sa pagkakasakit sa mga evacuation site, at 10 porsiyento ang namatay makaraang tangayin ng lahar na rumagasa mula sa bunganga ng bulkan at dumausdos sa gilid nito.
Ang mga bulkan ay bahagi ng Ring of Fire na sinasaklaw ng Dagat Pasipiko, kabilang ang Pilipinas. Bahagi rin ng mapanganib na lugar na ito ang mga delikado sa madalas na pagyanig kapag nagkikiskisan ang mga continental plate na lumilikha ng tensiyon at nagreresulta sa lindol. Kasalukuyan tayong naghahanda sa posibilidad ng isang malakas na lindol.
Ngayong linggo, magsasagawa ng magkakasabay na earthquake drill sa iba’t ibang bahagi ng bansa alinsunod sa “Payanig 2016”, na pangungunahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Itinalaga ang mga lokal na pamahalaan bilang pangunahing tutugon sakaling magkaroon ng matinding kalamidad; dapat na handa sila, at maaari rin namang magpasaklolo mula sa pamahalaang panglalawigan at sa gobyerno kung kinakailangan. Mismong ang mamamayan ay dapat na maging handa upang tiyakin ang pansariling kaligtasan sakaling hindi agad na maayudahan sa loob ng 72 oras.
Dahil sa dalawang malalaking fault na tumatawid sa Metro Manila, nais ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maging handa ang mamamayan ng rehiyon sa posibilidad ng magnitude 7.2 na lindol. Nagsagawa noong nakaraang taon ng “shake drill”, at nakibahagi ang mga residente at motorista sa Metro Manila. Ang ikalawang “shake drill” ay isasagawa kasabay ng “Payanig 2016” sa Miyerkules, Hunyo 22.
Sa kaganapan naman ng mga bagyo, mulat na ngayon ang mamamayan sa bansang ito sa iba’t ibang typhoon signal at mga rain alert na ipinalalabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Administration (PAGASA). Simula nang manalasa ang super bagyong ‘Yolanda’ na pumatay sa mahigit 6,000 katao sa Eastern Visayas noong 2013, alisto na ngayon ang mga Pilipino sa daluyong ng dagat na dahilan sa karamihan ng pagkasawi sa Leyte.
Kahandaan—ito ang layunin sa lahat ng aktibidad na ito. Kailangan nating masanay sa mga likas na panganib sa bahagi nating ito sa mundo. Ito ang mga hamon na atin nang napagtagumpayan at nagpamalas sa ating mga katangian bilang mamamayan. Pinatatag tayo ng mga ito upang magawa nating harapin ang iba pang mga pagsubok sa atin bilang isang bansa.