Binigo ng matikas na Dewey Boulevard ang tangkang ikalawang sunod na panalo ng Radio Active sa Philippine Racing Commission Triple Crown sa matikas na panalo sa ikalawang leg ng serye kamakailan sa Metro Turf Racecourse sa Malvar, Batangas.

Alaga ni businessman Herminio S. Esguerra at sinanay ni Ruben S. Tupas, ang tatlong taong colt ay nakapagposte ng bilis na 1:52 (13’-22’-24-23’-28’) para sa 1,800-meter race sa gabay ni jockey Jonathan Hernandez.

Sa kasawiang-palad, pinagmulta ng P1,000 si Hernandez dahil sa wala sa panahong pagtayo sa ibabaw ng kabayo bago makarating sa finish line.

Tumanggap ang Dewey Boulevard ng kabuuang P1.8 milyon premyo.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

May premyo rin hanggang ikaapat na puwesto para sa top breeder na Herma and Stud na pagmamay-ari rin ni Esguerra.

Nagwagi ang first-leg winner Radio Active ng SC Stockfarm Inc. ng P675,000 bilang runner-up.

Pumuwesto naman ang coupled entry Underwood (third) at Space Needle (fourth) para makapanalo ng P375,000 at P150,000, ayon sa pagkakasunod.

Inilunsad ang serye noong 1978 kung saan ang Native Gift ang nagwagi sa unang dalawang leg bago nakasingit ang Majority Rule.

May kabuuang 10 lahok ang nakapanalo ng Triple Crown. Ang mga ito ay ang Fair and Square noong 1981, Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012), at Kid Molave (2014).

Ang three-leg series ay inahalintulad sa Triple Crown ng United States na binubuo ng Kentucky Derby, Preakness Stakes, at Belmont Stakes.

Gaganapin ang third leg ng Philracom Triple Crown Series, gayundin ang Hopeful at 3YO Locally-Bred Stakes races sa Hulyo 10 sa San Lazaro Leisure Park.