Ni AARON RECUENCO

Ikinakasa na ni Chief Supt. Ronald dela Rosa, incoming chief ng Philippine National Police (PNP), ang kanyang sariling lupon ng “Police Avengers” na tututok hindi lamang sa mga kilabot na drug trafficker sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) kundi maging sa mga kawani ng gobyerno na sangkot sa droga, lalo na sa hanay ng pulisya.

Dahil dito, sinabi ni Dela Rosa na tiyak na ang malawakang balasahan sa PNP, partikular sa provincial at regional level, sa kanyang pag-upo sa puwesto sa Hulyo 1.

“Magkakaroon ng balasahan. Halos lahat ay maaapektuhan,” sabi ni Dela Rosa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, posibleng 15 sa 18 nakapuwestong police regional director ang ililipat ng puwesto kung bigo ang mga itong matugunan ang three-to-six-month deadline na itinakda ni incoming President Rodrigo Duterte sa pulisya para sugpuin ang problema sa droga sa bansa.

“Ito ay upang matiyak na talaga silang kikilos, ‘yung hindi matatakot na bumangga kahit sino’ng babanggain nila,” ani Dela Rosa.

Aminado ang opisyal na maraming police regional director ang hindi epektibo sa kanilang misyon na linisin ang nasasakupan ng ilegal na droga.

Ayon sa ibang opisyal ng PNP, ang pagkakasangkot ng ilang lokal na opisyal—mula sa mga opisyal ng barangay hanggang sa gobernador—sa droga ang isa sa malaking balakid sa pulisya upang epektibong labanan ang drug problem.

Sa kasalukuyan, ang mga alkalde at gobernador ang may kapangyarihang magrekomenda sa mga police official na mauupo sa kanilang lugar.