Nasa balag na alanganin ngayon ang isang barangay chairman at treasurer nito sa Quezon City kaugnay ng ilegal na pagwi-withdraw umano ng mga ito ng P22 milyon mula sa pondo ng barangay noong 2015.

Ayon sa Commission on Audit (CoA), walang maibigay na liquidation papers sa kanila sina Rodolfo Palma, chairman ng Barangay Bagong Pag-Asa; at Jonas Limtengco, treasurer, na susuporta sana sa nai-withdraw ng mga ito na P22 milyon mula Hulyo hanggang Disyembre 2015.

Sa pagsaliksik, natukoy na aabot sa P33.8 milyon ang taunang pondo ng naturang barangay na nakalaan sa mga proyekto, suweldo ng 300 kawani nito, at pambayad sa konsumo sa tubig at kuryente sa barangay hall.

Sa pulong sa Quezon City Hall, sa pagitan ng mga kinatawan ng CoA, Department of Interior and Local Government, Office of the Mayor, Barangay Operations’ Center at ng tanggapan ni Palma nitong Mayo, ipinaliwanag ng CoA na iniutos nito ang pagpapatigil sa pagwi-withdraw ng pondo ng barangay dahil sa “hindi maipaliwanag na P22 milyon withdrawal nina Palma at Limtengco.”

'Gusto ko proud sila:' Achievements sa buhay, iniaalay ni John Arcilla sa mga magulang

Paliwanag pa ng CoA, ilegal ang nabanggit na withdrawal of funds dahil sa kawalan ng naipasang barangay resolution na susuporta sa naturang bank transactions.

Matatandaang nagkilos-protesta kamakailan ang 100 sa 300 kawani ng Bgy. Pag-Asa dahil nasa P6.5 milyong suweldo nila ang hindi naibigay sa nakalipas na anim na buwan. - Rommel P. Tabbad