OAKMONT, Pennsylvania (AP) — Nabaon sa kabiguan ang kampanya ng Pinoy golfer na si Miguel Tabuena matapos ang ikalawang round ng pretihiyosong US Open golf championship nitong Biyernes (Sabado sa Manila).
Matapos ang disenteng 74 sa opening round, lungayngay ang tuka ng 22-anyos at one-time Philippine Open champion sa naisumiteng eight-over para sa 80 sa ikalawang araw ng kompetisyon.
Hataw si American Dustin Johnson sa magkasunod na round na 67 at 69 sa mapaghamong Oakmont golf club para makamit ang liderato at patatagin ang kampanya sa kampeonato.
Nagawang ma-birdie ni Tabuena ang par-5 No. 4, ngunit nagtamo siya ng limang bogey at tatlong double-bogey para sa kabuuang 14 over 154 matapos ang dalawang round.
“I’ve got a good game plan for this course,” sambit ni Johnson. “And if I keep driving it like I am, I’ll be tough to beat.”