Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang napaulat na ilang opisyal ng militar sa Sulu ang nakikipagsabwatan sa Abu Sayyaf para makihati sa nakokolektang ransom, at binigyang-babala ang lokal na opisyal na naglahad ng akusasyon na mananagot ito kung hindi mapatutunayan ang mga binitiwang alegasyon.
Sinabi ni Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, na ang mga nabanggit na akusasyon ay maaaring makaapekto sa mga pagsisikap ng gobyerno laban sa bandidong grupo, na bihag pa rin hanggang ngayon ang dalawang dayuhan at limang Pilipino sa Sulu.
“Our armed forces and police have been at the forefront of the fight against all kidnap-for-ransom groups and the ASG for a long time. We have lost so many servicemen in the process. We do not doubt the dedication and commitment of our troops,” saad sa text message ni Padilla sa may akda.
Iginiit niyang kontrolado ng mga AFP commander ang kanilang tropa sa pangunahing misyon na pulbusin ang Abu Sayyaf at iligtas ang mga bihag ng grupo.
Nagpalabas ng pahayag ang AFP matapos na mapaulat ang ibinunyag ni Jolo, Sulu Mayor Hussin Amin na ilang opisyal ng militar ang sumusuporta sa Abu Sayyaf at nababahagian sa ransom na nakokolekta ng grupo.
“The accusation can undermine government efforts against these criminals and we will hold the one who released the statement accountable if they can’t substantiate their allegations,” ani Padilla.
Sinabi ni Padilla na may umiiral na sistema ang AFP para matiyak na walang espiya o nagtatraydor sa kanilang hanay.
Samantala, tutulong naman ang security forces ng Malaysia at Indonesia para mapigilan ang pagtakas ng Abu Sayyaf mula sa Sulu matapos na magtalaga ang AFP ng mas maraming tropa sa lugar para sa pinaigting na pagtugis sa mga bandido.
Ito ay kasunod ng pagpugot muli ng ASG sa isa pang Canadian na bihag nito, si Robert Hall, nitong Hunyo 13 makaraang mabigong mabayaran sa hinihinging ransom. (ELENA L. ABEN)