NGAYON ay ika-19 ng maalinsangan at kung minsa’y maulang buwan ng Hunyo. Isang karaniwang araw ng Linggo ngunit sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas at buhay ng mga bayani, mahalaga ang araw na ito sapagkat ginugunita at ipinagdiriwang ngayon ang ika-155 kaarawan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Hango sa kanyang pangalan ang makasaysayang lalawigan ng Rizal na dating kilala sa tawag na Distrito Politica Militar de Morong (Morong District). Bagamat hindi national holiday, sa Calamba, Laguna na kanyang bayang sinilangan at sa iba pang bayan na nagpapahalaga sa kanyang kadakilaan ay may mga inihandang = programa bilang pagpupugay at parangal sa ating pambansang bayani.
Sa Binangonan, Rizal, biang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Dr. Jose Rizal, tampok ang isang parada ngayong umaga. Magsisimula ito sa harapan ng munisipyo ng Binangonan at matatapos sa compound ng University of Rizal System (URS). Susundan ito ng simple ngunit makahulugang programa. Pangungunahan ang parada ni Mayor Boyet Ynares, mga miyembro ng Sanggunian Bayan, municipal employee, opisyal ng barangay, tauhan ng Binangonan PNP, Bureau of Fire Protection, mag-aaral at mga miyembro ng Knights of Rizal. Tampok na panauhing tagapagsalita si G. Angelo Venus, isa sa mga guro ng Rizal Science National High School. Sa Taytay, Rizal, ang pagdiriwang ng kaarawan ni Dr. Jose Rizal ay gagawin sa harap ng lumang munisipyo.
Ayon sa kasaysayan, si Dr. Jose Rizal, sa lawak ng kanyang karunungan ay naging bahagi ng bawat mahalagang bagay na napapaloob sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas. Sa talinong kaloob ng Diyos sa ating pambansang bayani at sa pamamagitan ng kanyang mga sinulat, partikular na ang “Noli Me tangere” at “El Filibusterismo”, na mga klasikong nobela ay inilantad niya ang karukhaan at paghaharing kolonyal sa Pilipinas at iniangat ang ating mga kababayan sa mata ng daigdig na karapat-dapat sa paggalang ng kapwa-tao. Buhay ni Dr. Jose Rizal ang naging kabayaran. Ngunit ito’y hindi naman nawalan ng katuturan sapagkat nag-iwan siya ng isang dakilang halimbawa para sa maraming salinlahi ng Pilipino.
Bagamat si Dr. Jose Rizal ay wala sa unahan ng Himagsikan, bilang repormista, ang papel niya ay isang lider-intelektuwal na nagkakaloob ng ideolohiya at mga layunin sa pagbabago—mga kailangang elemento ng paghahanda sa gagawing aramadong pakikipaglaban.
Kaaway si Dr. Jose Rizal ng masasama at mapang-abusong pamahalaan at lipunan. Isang sakit na sa paglipas ng panahon ay patuloy na sumisira sa pinakaugat ng ating lahi. Binanggit ni Dr.Joe Rizal sa kanyang nobela na may mga tulisan sa bayan at lungsod na higit pang masasama kaysa mga tulisang-bundok. Sa ating panahon, ang mga tulisan ngayon ay ang mga mandarambong at mga nasasangkot sa iba’t ibang anomalya. Ang mga nagtatakbo ng salapi at nakaw na yaman na idinedeposito sa ibang bansa upang hindi na mabawi at maibalik sa bayan. (Clemen Bautista)