Umaasa ang pamilya ni Mary Jane Fiesta-Veloso, ang Pinay na nahatulan ng bitay dahil sa drug trafficking sa Indonesia, na pagbibigyan ni President-elect Rodrigo Duterte ang hiniling nilang personal na makausap ang bagong presidente.
Ayon kay Darlene Veloso, kapatid ng Mary Jane, noong nakaraang buwan ay lumiham sila kay Duterte upang humingi ng tulong kaugnay ng mabagal na usad ng kaso laban sa sumukong recruiter ni Mary Jane.
Aniya, itinakda sa Setyembre ang susunod na hearing laban kay Ma. Cristina Sergio, sa gitna ng mga ulat na posibleng kasama na si Mary Jane sa mga isasalang sa firing squad sa Java sa mga susunod na buwan.
Matatandaang nakaiwas sa firing squad si Mary Jane, 31, noong Abril 29, 2015 matapos na boluntaryong sumuko sa pulisya si Sergio at ang kinakasama nitong si Julius Lacanilao, sa Nueva Ecija. (Light A. Nolasco)