NGAYON ang ika-155 taong kaarawan ni Dr. Jose P. Rizal, ang itinuturing na Pambansang Bayani ng Pilipinas. Siya ang nagsabing ang “Kabataan ang Pag-asa ng Bayan.” Siya rin ang nagbabala na walang halaga ang kalayaan kung ang “Alipin ngayon ay Siyang magiging Diktador sa Hinaharap.” Sa pamamagitan ng karakter ni Elias sa Noli Me Tangere, sinabi niya na “Mamamatay akong hindi nakikita ang bukang-liwayway.” Sa El Fili naman, galit si Pilospo Tasyo sa mga mapang-api at habang may unos sa kalangitan at sala-salabat ang kidlat at kulog, sinabi niyang “Tamaan sana kayo ng Lintik.”

Nasaan na ngayon ang ating mga kabataan? Naninigarilyo, umiinom ng alak, tumitira ng illegal drugs, nakapusod ang buhok ng mga lalaki na parang Mongolian, may hikaw o pakaw ang mga taynga pati bibig, at puro tattoo ang mga bahagi ng katawan. Ang kababaihan naman ay naka-short-short na maong na halos nakabakat o ipakita ang magkabiyak na buwan, halos lumuwa sa dibdib ang magkakambal na bundok, at malamang kaysa hindi ay nakaranas na ng pre-marital sex.

Kung buhay si Rizal ngayon, tiyak na itataguyod pa rin niya ang kalayaan at demokrasya. Tiyak na lalabanan niya ang pangangamkam ng dayuhan (tulad ng China sa West Philippine Sea), ipagtatanggol ang kalayaan sa pamamahayag at tulad ni ex-US Pres. Thomas Jefferson, tiyak na pipiliin ng pambansang bayani ang isang bansang may free press kaysa isang nasyon na walang gobyerno.

Samantala, nagbabala si outgoing President Noynoy Aquino sa umano’y namimintong pagbabalik ng diktadurya sa Pilipinas. Ang babala ay ginawa ni PNoy sa vin d’ honneur toast sa Malacañang kaugnay ng ika-118 taong anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan. Nanawagan siya sa mga Pilipino na maging mapagbantay sa posibleng pagsulpot ng isa pang diktador.

Bagamat hindi binanggit ng binatang Pangulo si President-elect Rodrigo Roa Duterte, nag-react ang kanyang kampo at ipinaalam sa sambayanang Pilipino na huwag mangamba na muling iiral ang diktadurya sa ilalim ng administrasyong Duterte. Nanawagan ang papaalis na Pangulo sa kanyang mga “Boss” na laging mapagmatyag upang mapigilan ang “horrors” ng martial law na idineklara noong 1972 ni ex-Pres. Marcos, ama ni Sen. Bongbong Marcos, na kaibigan ni Mang Rody.

Sinabi ng Duterte camp na ang pangamba sa pagbabalik ng dictatorship ay “misplaced” o walang batayan dahil mismong si Duterte ang nangakong igagalang niya ang rule of law bilang bagong Presidente.

Ganito ang pahayag: “President-elect Duterte has already said that there will be no martial law, no dictatorship during his term”. Susundin umano niya ang Constitution at ang rule of law. Ang Bill of Rights na isinasaad sa Saligang-Batas ay itataguyod. Binira pa ng Duterte camp ang papaalis na administrasyon na may mga pagkakataong ito mismo ang lumalabag sa Bill of Rights.

Binanggit ang pagharang sa airport ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo na akusado sa umano’y tiwaling paggamit ng P366 milyong intelligence funds ng PCSO, para magpagamot sa Singapore. Kahit pinigil ng SC ang gobyerno na ipatupad ang watch list na inisyu ng DoJ sa ilalim ni Sec. Leila de Lima, pinigilan din si Aleng Maliit para magpagamot ng sakit sa leeg. Wala pa naman umanong kaso laban kay GMA na nakahain noon, at wala namang TRO ang SC, hinarang pa rin si GMA dahil gusto ni PNoy na siya ay makulong. (Bert de Guzman)