Arestado ang isang driver matapos mangholdap ng isang estudyanteng babae gamit ang isang laruang baril habang tumatawid ang biktima sa isang overpass sa Barangay Niog, Bacoor, Cavite.
Naghihimas ngayon ng rehas na bakal sa himpilan ng Bacoor City Police si Lorenzo Villarin Petallan, part time driver, at residente ng Talaba II, Main Road, Bacoor City.
Naaresto si Petallan matapos holdapin ang isang 19-anyos na estudyante gamit ang isang .45 caliber toy gun sa overpass sa Bgy. Niog, dakong 9:30 ng umaga nitong Huwebes.
Tinangay ng suspek ang My Phone cell phone at P1,500 cash ng biktima.
Nakatawag-pansin naman ang pagsigaw ng tulong ng estudyante, kaya rumesponde ang mga tambay at kinuyog ang suspek.
Sinampahan nitong Biyernes ng kasong robbery si Petallan, ayon sa pulisya. (Anthony Giron)