FOXBOROUGH, Massachusetts (AP) — Handang makipagbuno ni football superstar Lionel Messi para sa bayan.
Hataw si Messi, isa sa pinakamayamang pro football player sa mundo, sa opensa at depensa para sandigan ang Argentina sa matikas na 4-1 panalo kontra Venezuela sa quarterfinal match ng Copa America nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Naisalpak ni Messi ang ikalawang goal para ibigay ang 3-0 bentahe sa Argentina. Ito ang ika-54 goal ng pamosong footballer sa international play, sapat para pantayan ang national record ng kababayang si Gabriel Batistuta.
Tangan din ng Barcelona star ang liderato sa Copa America sa naiskor na kabuuang apat na goal.
Makakaharap ng Argentina sa semifinals at United States.
May dalawang araw na pahinga ang Argentina bago sagupain ang US sa Houston sa Martes (Miyerkules sa Manila). Mahaba-haba ang naging pahinga ng Americans mula nang magwagi sa Ecuador sa nakalipas na Huwebes.
Nagbunyi ang mga tagahanga ng five-time FIFA Player of the Year nang maitala ang unang goal mula sa pasa ni Gonzalo Higuan may walong minuto ang nakalilipas para sa 1-0 bentahe.
Matapos umiskor ni Higuain, muling naka-goal si Messi mula sa pasa ni Nicolas Gaitan para sa 3-0 bentahe.
Hawak ng Argentina ang 6-2-2 marka kontra sa US sa international play. Nagtabla ang magkaribal sa 1-1 sa isang friendly match noong 2011 sa East Rutherford, New Jersey. Huling naitala ng American ang panalo sa Argentinian noong 1999 sa Washington, D.C.