K BROSAS1 copy

PASOK ang pangalang Kakai o K Brosas kapag sinabing magaling kumanta ng iba’t ibang genre. Patok din ang humor niya kaya isa siya sa mga paboritong hurado ng “Tawag ng Tanghalan” sa It’s Showtime. Higit sa lahat, marunong din siyang umarte kaya ilang beses na rin siyang napapasama sa mga teleserye at pelikula at nasubukan na rin niya ang hosting job na ginagawa naman niya kapag may gig siya tuwing Linggo sa Zirkoh Morato.

Multi-talented ang dating Backroom talent, pero ngayon ay nasa Cornerstone Talent Management agency na, kaya nang matiyempuhan namin siya sa bagong bukas na Kandle Café sa may Mother Ignacia ay tinanong namin siya kung bakit siya lumipat ng talent agency.

“Nagpaalam ako nang maayos kay Sir Boy (Abunda), in all fairness naman masaya siya for me kasi wala rin siyang maisip na puwede kong lipatan kundi ang Cornerstone. Naghiwalay kami nang maayos,” bungad ni Kakai.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ano ang dahilan ng pag-alis niya sa Backroom?

“Gusto ko lang ma-try ang iba, but in all fairness naman, 16 years na rin ako sa Backroom, it’s more on a personal reason, but not personal reason against Backroom. Basta ang importante sa akin, si Sir Boy, malaki ang utang na loob ko, ipinaalam ko sa kanya, alam ng lahat ng tao ‘yun, masaya siya for me at sabi niya ‘you can always call me’.

Ganu’n pa rin ang sabi niya at sa pagkakaalam ko rin, wala siyang naging memo sa akin sa loob ng 16 years, wala akong maisip na binigyan ko siya ng sakit ng ulo.

“Maging sa mga staff ng Backroom, wala silang naging problema sa akin, maganda ang pakikitungo ko sa kanila, ‘yun ang importante, umalis ako nang walang galit.”

Ano ang ini-expect niya sa pangangalaga ni Erikson Raymundo na kilala bilang manager ng halos lahat ng magagaling na singers ngayon sa local music industry?

“Ayokong mag-expect baka masaktan ako, charot?” pabirong sagot ni K. “Maraming meetings na kami, hindi ko alam kung pang-ilang meeting na ito, siyempre may transition time, hindi kaagad-agad na magkakasundo, siyempre nagkakapaan pa para maganda, maraming plano na nagdya-jive kami. Magto-two months pa lang ako sa Cornerstone, eh, ang transition, four to six months ‘yan, eh.”

Ang pagpasok niya bilang isa sa mga hurado ng “Tawag ng Tanghalan” ay sariling sikap daw niya, hindi raw ito dumaan sa Cornerstone.

“Personal akong kinontak through Backroom pa,” saad ng singer. “Maraming naka-line-up (na shows) sa abroad, kami nina Pokwang, Pooh sa San Diego ng August, ‘tapos by October, five cities naman, may mga corporate shows, tulad sa Sabado (kahapon), nasa Cebu ako.”

Kaya ang sunod na tanong namin, ‘kailangan mo pa ba ng manager sa lagay na ‘yan, ang dami mong shows?’

“Kasi hindi ko kayang makipag-deal, saka kailangan ko ng poprotekta sa akin, ‘yung may kontrata kayo, ‘yun ‘yung importante. Minsan nga maski may manager na, naloloko ka pa rin, di ba?

“Saka kung ikaw mismo ‘yung artist, mahihiya kang maningil at magpresyo, babaratin ka ‘tapos mapapa-oo ka na lang ‘tapos baba pa ang premium mo as an artist,” sagot ni K.

May gusto pa siyang mangyari sa career niya, nabanggit niya ang digital sa bagong YouTube channel; 2009 pa siya nagsimulang mag-blog.

“’Yung Dear ‘Te, advise-advise, ‘tagal kong ginawa ‘yun. Wala na ngayon ‘yung YouTube ko na ‘yun kasi nagkaroon na ng Twitter, Instagram na may video, parang naging micro-blogging ko na ang Instagram. Ngayon may snapchap stories na, binuhay ko rin ‘yung fanpage ko. Ngayon mas lumawak ‘yung pag-reach out ko sa kakulto ko, hindi fans ang tawag ko sa kanila kundi kakulto. Abangan nila ‘yung bago kong YouTube channel.”

Wala bang offer sa kanya na gumawa uli ng teleserye?

“Actually, may nag-offer sa akin ng soap, ‘kaso hindi puwede kasi may Showtime na everyday, so hindi puwede. Mas gusto ko ang Showtime kasi mas more of me, ‘yun kasi ang strength ko, ‘yung live, impromptu mga ganu’n, maski maiksing oras lang.

“Kaya I think ‘yun ang naging hadlang, but I’m still hoping na mapasama pa rin ako sa serye, sa drama. Sabi ko nga sa Cornerstone, gusto kong mag-MMK (Maalaala Mo Kaya) ulit or Ipaglaban Mo, indie movies.

“Gusto kong makita o mapanood ng tao ang other side of me, na hindi lang nakikitang lagi akong nagpapatawa, masaya, may iba rin akong puwedeng ipakita na iba sa persona ko, serious side of K Brosas,” paliwanag ng isa sa magagaling na performers sa industriya.

At bilang singer, isa-isang itsa-challenge ni K sina Rachelle Ann Go, KZ Tandingan, Kyla, Angeline Quinto at Yeng Constantino sa upcoming concert nilang Divas sa Araneta Coliseum sa Nobyembre 11.

Mas nauna nang naging ‘diva’ si Kakai sa mga nabanggit, at kung pagkanta ang pag-uusapan ay kaya niyang ilampaso ang lima dahil bawat genre nila ay nagagawang lahat ni Kakai.

“Yes, wala yata akong hindi pa na-try when it comes to music, kasi nag-theater ako when I was 12, 13, 14, and 15 sa PETA, ‘tapos nag-musical ako for one year, hindi ko kinaya, nag-sing along, unang biyahe ko, sequencer ako, pangalawang biyahe ko, piano, mag isa lang, so kailangan kong mag-modulate, pangatlo ko, violin, grand base saka piano, so every year iba-iba, nag-Diwata Bar and Stone House ako, so jazz naman, ‘tapos nag-adik (rakista) ako kasi lagi akong nasa Octoberfest lagi, ‘tapos balik-sing-along so minus one, ngayon full banda naman, ‘tapos standard, so malawak na talaga ang range ng boses ko. Wala pang ‘Tawag ng Tanghalan’, kinakanta ko na buong multiplex ng Carpenters, ‘yun ang edge ko sa iba.

“Maraming magagaling o mas magagaling, pero ‘yung alam ko kasi kahit sa tono, which na-apply ko ngayon sa ‘Tawag ng Tanghalan’, alam ko ‘yun kung anong genre. Alam ko nga ‘pag nagkamali ang banda ko kasi bugbog na ang tenga ko. Iba ang tunog ng minus one, iba ang tunog ng live, I do stand-up, I do impersonation, I do interpretation, I did TV, I did musical play,” ratatat na kuwento ni K.

Sa lawak ng alam niya sa musika, bakit hindi pa siya nag-concert noon sa Araneta Coliseum?

“Takot pa ako noon, eh, tingnan natin baka next year. Susubukan ko nga sa Divas concert, gusto kong makita ang reaksiyon ng tao,” sagot niya. “Mati-threaten tiyak sila (Rachelle Ann, KZ, Angeline, Kyla at Yeng),” sabay tawa.

May kanya-kanyang forte ang limang divas, ano ang komento ni K sa bawat isa at kanino siya humahanga?

“Lahat sila magaling, pero aaminin ko na, hindi ako magpapakaplastik, pinakabilib talaga ako kay KZ Tandingan.

Personal ko lang ‘to, ha? Hindi naman kami close, pero nababaitan ako sa batang ‘yan, napaka-humble, gandang-ganda ako sa mukha niya, the way she performs, iba, ‘yung scatting-scatting niya, iba, may sarili siyang brand, basta iba siya.

“Sunod si Yeng Constanino. Bakit? Napakasipag ni Yeng dahil singer-songwriter si bakla, siya lang ‘yun. Lahat ng hit songs, kuha niya ang masa,

“Of course Angeline Quinto, siya na ang next Regine Velasquez, let’s face it, nandoon na siya, siya na ‘yung biritera sa generation niya at napakabait din ni bakla, walang ipinagbago ng ugali. Hindi pa ‘yan sikat, nagkasama kami sa abroad, tawang-tawa ako. Kung ano siya dati, ganu’n pa rin siya ngayon.

“Kyla naman, of course, RnB princess, ‘te, siya ‘yung una, eh. Kung makakulot ng boses, siya lang ‘yun.

Nag-showdown kami ng kulut-kulot, iba talaga. Siya lang ‘yung nag-Beyonce ng kantang Emotions, napanganga na lang ako.

“At siyempre si Rachelle Ann, siya na ngayon ang Queen of Broadway, classical, after Lea Salonga, siya na, eh.

“Kaya in all fairness, lahat sila may kanya-kanyang forte, ‘tapos K Brosas, lahat, ha-ha-ha. Hintayin mo kung paano ko ‘yan lahat ilalabas sa kanila, like si Kyla, RnB ka, kaya ko din ‘yan,” masayang kuwento ni K.

Ito raw ang mapapanood ng concertgoers sa Divas concert na special guest si K at tiyak na hahagalpak sa tawa ang lahat dahil, “Iba ito, ako gumawa ng script, abangan mo.”

Parang nakikinita na naming maloloka ang limang singer kay K dahil may mga gatas pa lang sila sa labi ay K Brosas na ang makakasama nila sa Big Dome.

Samantala, sa mga hindi pa nakakaalam, bago nakapasok sa entertainment industry ay naging OFW muna si K.

“Oo, nag-Thailand, Korea, Indonesia sa mga bars. Hindi lang ako naging ala-Lani Misalucha na nag-stay doon kasi wala namang nag-offer,” kuwento niya.

Hindi rin plinano ni K na magbakasakali sa Hollywood dahil, “Wala pa nga akong career dito, Hollywood na? Kailangan ko pa ng push bago ko maisip ang international career, kasi hindi pa, hindi pa ito ang final moment ko.”

Ano pa ba ang pangarap niya na hindi pa natutupad?

“Marami pa, wala akong sariling TV show, wala pa akong concert sa MOA, sariling pelikula, kung baga, dream big, di ba?”

Nasubukan na rin naman niyang tumuntong sa malalaking venue pero bilang guest lang.

“Puro corporate shows lang at ‘yung puwesto ko sa Zirkoh, loyalty.”

Pero ang maganda kay K, hakot niya ang A, B, C, D and E crowd unlike kina Rachelle Ann, KZ, Angeline, Kyla, at Yeng ay may kanya-kanyang type of crowd. (REGGEE BONOAN)