IPINAGDIRIWANG ng bansa ngayong Hunyo 19, 2016, ang ika-155 anibersaryo ng kapanganakan ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose P. Rizal, na ang pamana ng katapangan at pagiging makabayan ay hindi lamang sa Pilipinas kinikilala kundi sa maraming panig ng mundo. Ang kanyang buhay at panahon, gayundin ang kanyang mga pagtatagumpay, ay kumpletong naidokumento sa mga libro at manuskrito sa Pilipinas at itinuturo sa mga eskuwelahan sa bansa. Sinulat niya ang tatlong tanyag na obra sa iba’t ibang antas ng kanyang buhay—ang “Noli Me Tangere”, na inilathala sa Berlin, Germany, noong Marso 1887; “El Filibusterismo”, na inilathala noong Setyembre 1891; at “Mi Ultimo Adios” habang nakapiit siya sa Fort Santiago, noong Nobyembre 1986.

Ngayong araw ay isang special non-working holiday sa kanyang bayan sa Laguna, na magdaraos ng mga tradisyunal na seremonya—tulad ng pagtataas ng watawat, pag-aalay ng bulaklak, job fair, medical mission, at fireworks—karaniwan ay sa Calamba City, ang lugar ng Rizal Shrine, na roon isinilang ang bayani, at isa na ngayong dayuhin ng turista at katatampukan ng isang silid-aklatan, isang audio-visual room, at isang Rizaliana gallery. Nasa Calamba rin ang isang 22-talampakan ang taas na monumento ni Rizal, na sumisimbolo sa 22 wika na kaya niyang sambitin. Makikita naman sa bagong Museo ni Rizal ang mga modernong exhibit, teknolohiyang interactive, at isang e-learning facility na nagsasalaysay sa kuwento ng kabataan, edukasyon, at mga biyahe sa ibang bansa ng Pambansang Bayani. Ang 26 na talampakan na tansong rebulto ni Rizal, ang pinakamataas sa mundo, ay nasa sports complex sa Sta. Cruz, Laguna, at suot ng monumento ang uniporme sa fencing.

Ang Rizal Monument sa Maynila, na idineklara bilang National Cultural Treasure ng National Museum at isang National Monument ng National Historical Commission of the Philippines, ang pangunahing lugar ng seremonya para sa pagtataas ng bandila ngayong araw, gayundin ng 21-gun salute at paghahandog ng bulaklak. Sa ilalim ng monumento nakalagak ang labi ng Pambansang Bayani.

Magdaraos din ng mga programa ang mga embahada at konsulado ng Pilipinas upang bigyang-pugay si Rizal. Pangungunahan ng Knights of Rizal Canada Region ang pag-aalay ng bulaklak sa harap ng kanyang rebulto sa Earl Bales Park sa Toronto. Magsasagawa rin ng wreath-laying sa replica ng monumento ni Rizal sa Maynila sa Avenida Las Islas Filipinas sa Mexico. Ang mga rebulto ni Rizal ay matatagpuan ngayon sa bawat lungsod at bayan sa Pilipinas at sa iba pang panig ng mundo. Ang unang monumento ni Rizal ay itinayo sa Daet, Camarines, noong 1898, dalawang taon pagkamatay niya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa edad na 16, nagtapos si Rizal ng Bachelor of Arts sa Ateneo de Manila noong 1877, at sa taong din na iyon ay nag-aral ng Philosophy and Letters sa University of Santo Tomas (UST). Noong 1878, kumuha siya ng medisina sa UST, at noong 1882 ay ipinagpatuloy niya ito sa Universidad Central de Madrid. Taong 1884, sa edad na 23, ay ginawaran siya ng Licentiate in Medicine. Nag-aral din siya sa University of Paris at nakumpleto ang kanyang doctorate sa University of Heidelberg.

Itinatag ni Rizal ang La Liga Filipina, na nagtatag sa Katipunan. Makaraang malathala ang “Noli” at “Fili”, kinasuhan siya sa pagsusulat ng mga artikulo laban sa mga prayle. Nang sumiklab ang Rebolusyon sa Pilipinas noong Agosto 26, 1896, idinawit siya sa pag-aaklas. Noong Nobyembre 3, 1986, muli siyang ipiniit sa Fort Santiago at hinatulan dahil sa rebelyon, sedisyon at ilegal na aktibidad. Binitay siya sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896, na ipinagdiriwang ng bansa bilang Rizal Day.