MARAHIL ang pinakamalaking balita sa industriya at sa mga nagsusulong ng isang malinis na mundo at kalikasan ay ang pahayag kamakailan na mas mura na ngayon ang enerhiya mula sa araw kaysa fossil fuel energy.
“The debate is over,” sinabi ni Solar Philippines President Leandro Leviste sa isang forum sa Makati sa nakalipas na linggo. “Solar is cheaper than coal and we’re building projects to prove it.” Ayon naman kay Danny Kennedy, ang nagtatag ng Sungevity, isa sa mga pangunahing solar company sa Amerika, bumulusok ang presyo ng solar energy at battery at nagsisimula na ngayong mag-supply sa karamihan ng maiinit na bansa.
Sa kabila ng ipinangako ng Pilipinas, kaisa ang 130 iba pang bansa sa Paris Climate Change Conference noong Disyembre upang suportahan ang pandaigdigang pagsisikap para mabawasan ang pandaigdigang greenhouse gas emissions na nagdudulot ng global warming, magtatayo ang Pilipinas ng 23 coal-fired plant sa susunod na apat na taon.
Inaprubahan ng gobyerno ang pagpapatayo ng mga bagong coal plant upang makaagapay sa lumalaking pangangailangan sa kuryente ng mga industriya sa Pilipinas at ng publiko. Ang coal o uling ang sinasabing pinakamurang petrolyo para sa produksiyon ng enerhiya. Kaya naman magtatayo ng mga bagong planta, kabilang ang dalawa sa Davao City, at isa sa Subic, Zambales, bukod pa sa pagpapalawak ng mga planta sa Quezon at Bataan.
Gayunman, inilahad sa forum sa Makati kamakailan na nabawasan ang gastusin sa solar energy dahil sa mga pagbabago sa ekonomiya, pag-unlad ng teknolohiya, at pagsigla ng merkado. Sinabi ni Leviste na bumaba ng 50 porsiyento ang gastusin sa Pilipinas. Ikinumpara naman ni Kennedy ang pagsigla ng solar power sa mundo sa pagdami ng mga mobile cell phone na walang dudang dinaig na ang mga landline.
Habang nangangampanya, nanawagan si incoming President Duterte sa pagpapasara ng mga coal plant at iba pang mga planta ng kuryente na gumagamit ng mapanganib na gasolina. Umapela siya para sa mas maraming pamumuhunan sa renewable energy, gaya ng solar, wind, hydro, geothermal, at biomass. Ang palugit para sa pagtigil sa paggamit sa mga ito ay tutukuyin batay sa bilis ng paghalili ng renewable energy resources sa coal.
Dumating na ang panahong ito, ayon sa forum tungkol sa “The Truth About Solar: Now Cheaper Than Coal”. Ngayong magsisimula na ang administrasyon ni Pangulong Duterte, maaari nang pangunahan ng Pilipinas, na may saganang pagkukunan sa enerhiya mula sa araw, hangin, geothermal at iba pang natural resources, ang dakilang pandaigdigang pagsisikap na maghahatid ng isang mas malinis na mundo para sa lahat.