Pagbibidahan nang walang talong si Melvin ‘Gringo’ Jerusalem ang muling paglunsad ng ALA Promotions boxing event na IDOL Series sa Hulyo 16.

Napanatiling perpekto ang karta ni Jerusalem (9-0, 7 knockouts) sa pagkamada ng dalawang magkasunod na tagumpay kina dating WBO International minimumweight challenger Crison Omayao at dating IBF strawweight champion Florante Condes.

Higit pang kinatakutan si Jerusalem nang ikamada niya ang anim na knockout sa loob lamang ng dalawang round kung kaya’t mabilis na lumutang ang kanyang pangalan sa larangan ng boxing.

Inilunsad noong 2013 ng ALA Promotions, layunin nilang maging behikulo ang IDOL sa pagsuporta ng mga papasikat na Filipino fighters sa buong kapuluan sa pamamagitan ng pagpapalabas ng kanilang mga laban sa national television.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Ito ang pangunahing dahilan kung bakit muling binuhay ng ALA Promotions ang nasabing serye. Nais din nilang mapanatiling masigla ang larangan ng boksing sa bansa kasabay ng kanilang paghahanap ng mga bagong boxing superstar na susunod sa yapak nina eight division champion Manny Pacquiao at Donnie Nietes na tinaguriang longest reigning Filipino world champion.

Pagkataos ng unang sultada, nakatakda naman ang mga susunod na IDOL 2 series sa Oktubre 1 at Disyembre 3 na gaganapin sa Mandaue City Sports and Cultural Complex. Nakaplano ring dumayo sa iba’t ibang panig ng bansa upang mapakalat at mapataas ang kamalayan sa sports. (Gilbert Espena)