ISULAN, Sultan Kudarat – Umaabot sa 53 taong sangkot sa ilegal na droga ang sumuko sa iba’t ibang panig ng Region 12, ayon sa awtoridad, kaugnay na rin ng ipinangako ng susunod na administrasyon na paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga sa buong bansa.
Dakong 8:00 ng umaga nitong Hunyo 16 nang 14 na katao na aminadong sangkot sa ilegal na droga ang nagkusang sumuko, kasama ang kani-kanilang barangay chairman, sa bayan ng President Quirino sa Sultan Kudarat.
Hindi na kinilala sa ulat ng Philippine National Police (PNP), kusang nagpadala sa punong tanggapan ng Sultan Kudarat Police Provincial Office (PPO) sa bayan ng Isulan ang mga suspek, at hinarap sila ni Senior Supt. Raul Supiter, acting provincial director.
Pagkatapos, dinala naman sila sa sala ni Municipal Trial Court Judge Viusposious Ramos sa President Quirino at doon sika lumagda ng “Affidavit of Undertakings”, bilang pangangako na hindi na sila masasangkot sa nasabing bisyo o gawain kasabay ng pakikiisa sa awtoridad tungkol sa kanilang mga nalalaman na makatutulong sa kampanya ng pulisya kontra ilegal na droga.
Kabilang ang mga ito sa kabuuang 53 na napaulat na sumuko sa buong Region 12.
Kaugnay nito, kinumpirma ng iba pang himpilan ng pulisya sa mga karatig na bayan at sa Tacurong City na sila man ay nakatatanggap na rin ng pahiwatig mula sa ilang sangkot sa ilegal na droga na nais sumuko sa pulisya.
Nanawagan naman ang Sultan Kudarat PPO sa lahat ng opisyal ng barangay sa Sultan Kudarat na hikayatin ang kanilang mga nasasakupan na sangkot sa ilegal na droga na sumuko sa pulisya kaysa masagasaan ng pinaigting na kampanya kontra droga na inaasahang magsisimula sa pormal na pag-upo ni President-elect Rodrigo Duterte sa puwesto sa Hunyo 30.
(Leo P. Diaz)