Nahulihan ng party drugs at paraphernalia ang apat na katao, kabilang ang isang fashion designer, sa isang malaking dance party na ginanap sa Pasay City, kahapon ng madaling araw, na naging dahilan ng kanilang pagkakaaresto.
Kinilala ni Pasay City Police chief Senior Supt. Joel Doria ang mga naaresto na sina Marc Dexter Chua, 28, ng Danville Subdivision, Culiat, Quezon City; Leah Reyes, 31, ng Dividend Homes, Taytay, Rizal; Shelumiel Calica, 18, ng Mayapa, Calamba, Laguna; at Nicolo Franco, 28, isang fashion designer.
Nahaharap ang apat sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Biyernes ng gabi nang dumalo ang tatlong suspek sa “Innovation White Dance Party”, na inorganisa ng Bigfish International Production sa World Trade Center sa Buendia Avenue. Mahigit 20,000 party-goer ang dumalo sa okasyon.
Dahil sa mahigpit na inspeksiyon na ipinatutupad ng awtoridad at ng mga organizer, nakumpiskahan ng isang pirasong ecstasy si Chua dakong 12:00 ng hatinggabi.
Bandang 12:30 ng umaga naman nang naaresto sina Reyes at Calica matapos makumpiskahan ng ecstasy at drug paraphernalia na may bakas umano ng marijuana.
Naaresto si Franco dakong 3:30 ng umaga matapos makuhanan ng pinaghihinalaang “green amore” at 11 tableta ng ecstasy.
Matatandaan na nauwi sa trahedya ang 2016 Close-Up Forever Summer Party noong Mayo 21, matapos masawi ang limang dumalo sa nasabing rave party dahil sa umano’y overdose sa droga at alak. (Bella Gamotea at Martin Sadongdong)