LEGAZPI CITY - Lumago nang todo ang sining at kultura ng Albay at napakahalaga ng naging ambag nito sa pagsulong ng turismo ng lalawigan.
Sa ilalim ng administrasyon ni Gov. Joey Salceda sa nakalipas na siyam na taon, napakalaki ng ipinagbago ng visual arts ng lalawigan, at aktibong nakiisa ang mga artist sa mga taunang exhibit, festival at mga proyektong pang-kultura.
Sa nakaraang siyam na taon, itinaguyod ng pamahalaang panglalawigan ang halos 70 exhibit sa Albay Atrium Gallery para sa mga lokal at turistang pintor, iskultor, photographer, installation at graphic artist, at ceramics at handicraft designer, ayon sa provincial curator na si Apo Gonzales.
Bababa sa kapitolyo sa Hunyo 30 at magsisilbing kinatawan sa Kamara ng ikalawang distrito ng probinsiya, isa sa mga tututukan ng gobernador ang kultura at sining.
Dumalo sa pagbubukas ng 24K Exhibit sa Albay Atrium Gallery kamakailan, sinabi ni Salceda na isa sa kanyang top agenda sa Kongreso ang pagtatatag ng isang tig-P20 bilyon National Special Trust Funds para sa ilang disiplina, kabilang ang sining at kultura.
Matatandaang dahil sa gobernador ay naging ballet performace sa Cultural Center of the Philippines ang alamat ng Daragang Magayon noong 2013. Una ito sa kasaysayan para sa isang epiko ng isang lalawigan.