Tinawag ni incoming House Speaker Pantaleon Alvarez ang “accommodation” para sa Liberal Party (LP) ng administrasyon ang pagpapalawig ng Commission on Elections (Comelec) hanggang sa Hunyo 30 ng paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kumandidato noong nakaraang buwan.
“Comelec is simply bending their own rules for accommodation… too bad!” sabi ni Alvarez, na magbabalik bilang kongresista ng Davao del Norte sa 17th Congress.
Si Alvarez ang napipisil ni President-elect Rodrigo Duterte para pamunuan ang 300 miyembro ng Mababang Kapulungan.
Kapwa sila miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Nitong Huwebes, sa isang en banc session ay bumoto ng 4-3 ang Comelec pabor sa pagpapalawig sa SOCE filing para sa LP, partikular para kay dating Interior Secretary Mar Roxas, na tanging kumandidato sa pagkapangulo na hindi nakapaghain ng SOCE sa deadline nitong Hunyo 8.
Binatikos din ni ABAKADA Party-list Rep. Jonathan de la Cruz ang naging pasya ng Comelec, na tinawag niyang “clear lambasting not only of the existing law but the electoral system itself.”
Dahil dito, wala nang magiging hadlang sa pag-upo ni Vice President-elect Leni Robredo at ng iba pang nanalong kandidato ng LP sa Hunyo 30.
Kabilang sa mga bumoto pabor sa pagpapalawig sa SOCE filing sina Commissioners Arthur Lim, Al Parreño, Sheriff Abas at Rowena Guanzon, habang tutol naman sa extension sina Commissioners Christian Robert Lim, Luie Tito Guia at Chairman Andres Bautista.
Paliwanag ni Comelec Spokesman James Jimenez, sa sesyon nitong Huwebes ay higit na binigyang-bigat ng mayorya sa miyembro ng en banc ang “sovereign will” o kagustuhan ng mamamayan na pinagmumulan ng kapangyarihan ng gobyerno kaysa aspetong procedural o documentary requirement.
Aniya, malaki ang bilang ng maaapektuhan kapag hindi napalawig ang paghahain ng SOCE at mababalewala ang boto ng mamamayan.
Sinabi ni Jimenez na kung hindi mapagbibigyan ang extension, lahat ng nanalong kandidato ng LP, Puwersa ng Masang Pilipino, at Aksyon Demokratiko ay di makauupo sa puwesto kapag hindi tinanggap ang kanilang SOCE.
Kaugnay nito, itinanggi ni Guanzon na ang pagpapalawig sa SOCE filing ay para paboran ang iisang kandidato o partido, dahil marami aniyang hindi pa nakapaghahain ng SOCE hanggang ngayon. (Ellson Quismorio at Mary Ann Santiago)