BAGUIO CITY – Malawakan ang imbestigasyon ng pulisya para madakip ang mga suspek sa pagpatay sa isang may-ari ng money changer at pagtangay sa mahigit P2.9 milyon cash na bitbit nito habang pauwi sa Barangay Bakakeng Norte sa siyudad na ito.

Kinilala ang biktimang si Larry Oliva Haya, Sr., 65, may-ari ng money changer sa Baguio City Public Market, habang nasa ospital naman ang kapatid niyang Randolph Oliva Haya, 67, makaraang mabaril din ng suspek.

Ayon sa imbestigasyon, galing sa kanyang PX store at pauwi na si Larry dakong 5:40 ng hapon nitong Hunyo 15 nang salubungin siya ng dalawang hindi kilalang lalaki at tinutukan siya ng baril.

Puwersahang kinuha ng mga suspek ang sling bag ng biktima at binaril ito sa dibdib.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Narinig ni Randolph ang putok ng baril at sa paglabas niya ng bahay ay binaril din siya ng suspek sa beywang bago tumakas.

Napag-alaman na laman ng sling bag ni Larry ang US$50,000 (P2,330,000), 10,000 Malaysian ringgit (P112,000), 1,150.00 pounds (P76, 475), 1,900 Euros (P99,370), at P320,000.

Malaki ang hinala ng pulisya na matagal nang sinusubaybayan ng mga suspek ang biktima at nagkataon na malaki ang dala nitong pera nang araw na iyon.

Ayon sa pulisya, may taong nakakita sa krimen at inihahanda na ng pulisya ang cartographic sketch ng mga suspek. (Rizaldy Comanda)