LOS ANGELES (AFP) — Ipinahayag ng gitarista ng bandang Led Zeppelin na si Jimmy Page sa korte nitong Miyerkules na hindi niya narinig ni minsan ang awiting kinopya umano niya para sa iconic song na Stairway to Heaven.
Si Page at ang kabandang si Robert Plant ay inakusahan ng pangongopya ng rock epic’s opening bars mula sa Taurus, isang instrumental track mula sa unang album ng Los Angeles rock band na Spirit.
Sinabi ng 72 taong gulang, na nakasuot ng itim na suit at nakatali ang maputing buhok, na may tatlo siyang Spirit album sa kanyang 10,000 koleksiyon ng CD.
“I knew I’d never heard it before,” pahayag ni Page, at idinagdag pa na ang konsepto ng pagkukumpara ng dalawang awitin “was just totally alien to me.”
Ayon sa bandang Spirit, na masaya sa natamong kasikatan ngunit hindi naabot ang antas ng Zeppelin, ang melancholic guitar sa pagsisimula ng Stairway ay kinuha mula sa ika-45 segundo ng Taurus.
Ang gitarista ng Spirit na si Randy Wolfe -- na nakilala sa alyas na Randy California — ay gumawa ng legal na aksiyon at pumanaw sa Hawaii noong 1997, ngunit ang kaso ay inihain ng kanyang kaibigan na si Michael Skidmore.
Ipinagpipilitan ng Zeppelin na ang pagsisimula ng Stairway ay ginamit na sa nakalipas na siglo at hindi uubra ang kaso laban sa kabuuan ng awitin.