NAGPAPATULOY ang masalimuot at mala-bangungot na kuwento ng pagdukot sa apat na tao mula sa Samal island resort noong 2015—sa dalawang Canadian, isang Norwegian, at isang Pilipina—at walang nakakaalam kung paano ito magwawakas.
Dinukot ang mga Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall, ang Norwegian na si Khartan Sekkingstad, at ang Pilipinang si Marites Flor noong Setyembre 2015, at humingi ang Abu Sayyaf ng ransom para sa pagpapalaya sa kanila.
Nagpalabas ang gobyerno ng karaniwan nitong tugon: na tinutugis ng mga tropa ng gobyerno ang Abu Sayyaf at hindi kailanman magbabayad ng ransom sa mga bandido dahil labag ito sa opisyal na polisiya ng gobyerno.
“Kung sa tingin ninyo ay mas mahalaga pa ang inyong polisiya kaysa buhay ng mga bihag na ito, sinisiguro naming may gagawin kaming masama laban sa kanila,” sinabi ng lalaking nakasuot ng maskara habang kasama ang apat na bihag sa isang video noong Marso. Gaya ng banta ng grupo, pinugutan ang una sa apat na dinukot, si Ridsdel, noong Abril. Kung patuloy na babalewalain ang kanilang hiling na ransom, sinabi ng Abu Sayyaf na pupugutan nilang muli ang isa pa sa kanilang mga bihag. At nitong Lunes, Hunyo 13, pinugutan ng grupo ang isa pang Canadian, si Hall.
Sinabi ni incoming Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na ang papatapos na administrasyong Aquino pa rin ang responsable sa nangyari, dahil hindi pa pormal na naluluklok sa puwesto si President-elect Duterte. Nauna rito, tinawagan ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau si Duterte para batiin ito sa pagkakapanalo sa halalan, habang humingi naman ng paumanhin si Duterte sa pagkakapaslang kay Ridsdel. “We will try to see that nothing like this will happen again,” sinabi ni Duterte kay Trudeau. Pero nangyari uli, ngunit gaya ng iginiit ni Panelo, si Pangulong Aquino pa ang nasa kapangyarihan.
Nagpapatuloy ang miserableng kuwento dahil may dalawa pang binihag mula sa Samal ang nasa kamay ng Abu Sayyaf.
Naisakatuparan ng grupo ang sinabi nitong gagawin sa mga bihag, kung paano at kailan papatayin. Samantala, ang tangi at paulit-ulit na inihahayag ng gobyerno ay ang pagtugis ng puwersa ng militar sa mga bandido.
Makalipas ang 12 araw, ang kabuuan ng desperadong sitwasyong ito, kabilang na ang lahat ng pandaigdigang implikasyon nito, ay ipapasa na kay Pangulong Duterte. Umaasa tayo—kaisa ang mga pamilya ng natitirang mga bihag—na mas maaaksiyunan niya ang problema kumpara sa kanyang hinalinhan.