Umabot na sa 29 ang bilang ng mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga ang napatay sa loob lamang ng halos isang buwan sa pinaigting na anti-drug campaign ng awtoridad.
Base sa datos ng Philippine National Police (PNP) Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), aabot din sa 3,000 ang naaresto sa anti-drug operations na ikinasa ng pulisya sa iba’t ibang panig ng bansa simula Mayo 10 hanggang nitong Miyerkules.
Mula sa 29 na napatay na drug suspect, sinabi ng PNP na 12 ang mula sa Central Luzon, anim sa Southern Tagalog, lima sa Central Visayas, apat sa SocSarGen, at dalawa sa Zamboanga Peninsula.
Samantala, karamihan sa mga naarestong drug personality ay mula sa Southern Tagalog Region na umabot sa 1,155, na sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 883, at Central Luzon na may 553.
Sa Northern Mindanao, arestado ang 204 na pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga, 110 sa Negros Island, 106 sa Ilocos Region, 96 sa Davao, 76 sa Bicol, at 70 sa MIMAROPA.
Animnapu’t apat na drug suspect ang natiklo sa SoCSarGen, 63 sa CARAGA Region, 60 sa Eastern Visayas, 46 sa Western Mindanao, 40 sa Cagayan Valley, siyam sa Cordillera, at dalawa sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ang pinaigting na kampanya ng PNP ay base sa kautusan ni incoming President Rodrigo Duterte na linisin ang mga barangay sa bansa laban sa mga sangkot sa pagtutulak ng droga sa loob ng anim na buwan sa simula ng kanyang panunungkulan sa Hunyo 30. (ELENA ABEN)