Target ni Pinoy golfer Miguel Tabuena na makalikha ng kasaysayan sa kanyang pagsabak sa US Open – isa sa major golf championship sa PGA – simula ngayon, sa Oakmont Golf Club sa Pennsylvania.
Kabilang ang 22-anyos na one-time Philippine Open champion sa 156 na manlalaro na nagkuwalipika sa pamosong golf championship sa mundo.
Nakatuon ang pansin kina defending champion Jordan Spieth at world No. 1 Filipino-Australian Jason Day, ngunit kumpiyansa si Tabuena na mabibigyan ng katuturan ang nakuhang pagkakataon na makalaro sa Open.
Nakamit ni Tabuena ang suntok sa buwan na pagkakataon nang tampukan ang qualifying event na ginanap sa California sa nakalipas na linggo.
Inaasahang mapapalaban ang Pinoy sa course na inilarawan ng mga star player, sa pangunguna ni Spieth, na mapaghamon at pinakamahirap.
Ang winning score sa US Open na ginanap dito noong 2007 ay five-over na nagawa ni Angel Cabrera.
Makakasama ni Tabuena sa flight sa No.10 hole sina Lee Slattery ng UK at Daniel Summerhays ng US. Magkakasama pa rin ang tatlo sa second round at magsisimula sila sa hole No.1.