Nanawagan kahapon ang mga senador kay incoming President Rodrigo Duterte na mahigpit na ipatupad ang batas laban sa Abu Sayyaf dahil naniniwala ang mga ito na may kakayahan ang alkalde ng Davao City na durugin ang grupong bandido.

Sinabi rin ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV na suportado niya ang ano mang hakbang ni Duterte upang papanagutin sa batas ang Abu Sayyaf.

“Malaking perhuwisyo na ang idinulot ng paghahasik ng lagim ng ASG sa ating bansa. Naaapektuhan na nito ang ating imahe na nagdudulot ng malaking epekto sa turismo, ekonomiya at maging sa pamumuhay sa ilang bahagi ng Mindanao,” saad sa pahayag ni Aquino.

“Panahon na upang gawin ang lahat ng nararapat na aksiyon upang mapulbos na ang bandidong grupo sa lalong madaling panahon,” ayon sa senador.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ito ang apela ni Sen. Bam sa kabila ng pinaigting na operasyon ng militar laban sa mga bandido matapos pugutan ng mga ito ang isa pang Canadian na si Robert Hall nitong Lunes. Una nang pinugutan ng Abu Sayyaf si John Ridsdell, isa ring Canadian, noong Abril 25 matapos na hindi makapagbayad ng ransom.

“Suportado natin ang anumang hakbang na gagawin ng kasalukuyang pamahalaan at ng papasok na administrasyon ni President-elect Rodrigo Duterte, basta’t ito ay naaayon sa batas,” giit ng senador.

Bihag pa rin ng Abu Sayyaf ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad at ang Pinay na si Marites Flor, na kasama nina Hall at Ridsdel nang dukutin ng mga bandido sa Island Garden City of Samal noong Setyembre 21.

Humihingi ng P600-milyon ransom ang Abu Sayyaf bilang kapalit sa pagpapalaya sa mga natitira nitong banyagang bihag.

Bagamat 15 araw na lamang ang nalalabi sa kanyang panunungkulan bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nagtungo si Pangulong Aquino sa Jolo, Sulu, kamakalawa upang pangasiwaan ang opensiba ng gobyerno laban sa grupong bandido. (HANNAH L. TORREGOZA)