Bineberipika na ng Philippine National Police (PNP) ang mga ulat na muling nandukot ang Abu Sayyaf Group (ASG) ng apat na Malaysian sa Sabah noong Miyerkules ng gabi.
Sinabi ni Senior Supt. Elizalde Quibuyen, director ng Tawi-Tawi provincial police, na nakatanggap sila ng mga ulat tungkol sa pagdating ng mga bagong biktima ng pagdukot at mga bumihag dito sa Sitangkai noong Miyerkules ng gabi ngunit hindi pa nila makumpirma ang impormasyon.
“I have already sent men to verify this report but it is still negative as of this time,” sabi ni Quibuyen nitong Huwebes.
Ayon sa mga ulat, ang apat na dinukot na Malaysian ay ibiniyahe na noong Miyerkules ng gabi.
Ngunit sinabi ni Senior Supt. Wilfredo Cayat, pinuno ng Sulu Provincial Police, na kinukumpirma pa nila ang balitang pagdating ng mga bihag sa lugar.
Ayon naman kay Maj. Filemon Tan, tagapagsalita ng Western Mindanao Command, wala silang balita tungkol sa pagdukot. (Aaron B. Recuenco)