CEBU CITY – Naghain ng petisyon ang mga grupo ng manggagawa dito na humihiling na dagdagan ng P140 ang daily minimum wage dito at sa iba pang lugar sa Central Visayas.
Pinangunahan ng Alliance of Progressive Labor at ng Cebu Labor Coalition ang paghahain ng petisyon para sa wage increase sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) 7, ang wage board ng rehiyon.
Inihain ito mahigit isang buwan matapos maghain ang Associated Labor Union–Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ng sarili nitong wage increase petition.
Sinabi ni RTWPB 7 labor sector representative Jose Tomongha na napapanahon na para tumanggap ang mga kumikita ng minimum wage sa Cebu at sa Central Visayas ng dagdag sa kanilang arawang sahod. Iginiit niya na kailangang agad na talakayin ng wage board ang petisyon.
Sinabi ni Boboy Belarmino, tagapagsalita ng Cebu Labor Coalition, kinabibilangan ng ilang grupo ng manggagawa, na ang P140 daily minimum wage increase petition ay ibinase sa scientific at factual grounds.
Kabilang sa mga dahilan na binanggit sa petisyon para sa dagdag-sahod ay ang pabagu-bagong presyo ng langis, pagbaba ng purchasing power ng peso, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, at pagtaas ng bayarin sa eskuwelahan resulta ng implementasyon ng Kto12 program.
Kasalukuyang tinatalakay ng wage board ang P161-per day wage increase petition na inihain ng ALU-TUCP.
Isinumite ng ALU-TUCP ang petisyon nito sa RTWPB 7 sa pag-asang maitaas ang minimum daily wage sa rehiyon sa P514 mula sa kasalukuyan P353. Batay sa pag-aaral ng mga labor group, ilang manggagawa sa Cebu ang patuloy tumatanggap ng P242 arawang suweldo. (MARS W. MOSQUEDA JR.)