GENERAL SANTOS CITY – Patay ang isang kilalang drug pusher nang makipagbarilan sa mga pulis sa Isulan, Sultan Kudarat nitong Miyerkules.
Kinilala ni Sultan Kudarat police director Raul Supiter ang suspek na si Kamid Angolin, 25, residente ng Datu Salibo, Maguindanao.
Sinabi ni Supiter na nanlaban ang suspek, kabilang sa listahan ng top drug traffickers na kumikilos sa probinsiya, nang arestuhin at pinaputukan ang mga pulis sa drug bust sa isang pamayaman ng mga Muslim sa Isulan na kilalang pugad ng droga.
Nasamsam ng mga alagad ng batas ang ilang gramo ng shabu, isang homemade 12-guage shotgun pistol at isang fragmentation grenade mula sa napatay na suspek.
Inihayag ni Supiter na 14 na pinaghihinalaang drug pusher ang sumuko sa mga pulis sa bayan ng President Quirino nitong unang bahagi ng linggo kasunod ng pinaigting na kampanya laban sa illegal na droga na inilunsad ng pulisya sa Sultan Kudarat.
Mahigit 100 drug personalities naman ang naaresto ng mga pulis sa ilang bayan sa lalawigan kasunod ng pinaigting na mga anti-drug operation simula Enero ngayong taon.
Samantala, naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency ang isang dating driver ng isang munisipyo habang nagbebenta ng ilang kilo ng marijuana sa drug bust sa Banaga, South Cotabato. (Joseph Jubelag)