Erik copy

NAKITA namin si Erik Santos na nakatsinelas lang noong Miyerkules ng dapithapon sa isang bagong restaurant sa Mother Ignacia, kaya niloloko namin siyang, ‘ang laki ng bahay mo’ (kasi para lang siyang nasa salas, nakatsinelas).

Lumapit naman kaagad ang singer, na may kasamang kaibigan, at bumeso.

“Magpapalinis kasi ako ng kuko d’yan sa Posh, eh. Ginutom ako kaya dumaan ako, ‘to naman lahat na lang napapansin,” tumatawang sabi.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ang tagal na naming hindi nakakakuwentuhan si Erik kaya sinamantala na namin habang hinihintay niya ang order niya at kinumusta namin sila ni Angeline Quinto na tila nawala na ang kanilang matamis na samahan.

“Grabe naman si Ate Reggee, matamis talaga? Ano ba sabi niya?” balik-tanong sa amin ng isa sa mentor ng We Love OPM.

Sinabi namin ang kuwento ni Angeline nang makatsikahan namin, na hindi na dumadalaw si Erik sa bahay nila at hindi na itinuloy ang ligawang blues nila.

“Ganu’n ba? Eh, kung ano na lang ang sinabi niya, Ate Reggee, ‘yun na lang,” malamang sagot ng binatang singer.

‘Ano ba talaga?’ hirit namin ulit.

“Wala, hayaan mo na, busy siya saka busy din ako kaya okay na magkaibigan na lang kami,” paliwanag ng singer.

Hanggang sa napunta na ang usapan namin sa pag-aasawa dahil 33 years old na pala si Erik at aminadong gustung-gusto na niyang mag-asawa habang bata pa at gusto na rin niyang bigyan ng apo ang magulang niya na nagkakaedad na rin.

“Hanapan mo nga ako, Ate Reggee? ‘Yung maganda, ha, matalino, may career. Siyempre ayoko naman ng nasa bahay lang kasi hindi naman maganda ‘yun kung wala siyang ginagawa, ano’ng pag-uusapan namin pagdating ko?” sey ng binata.

Sabi namin, dapat kasi lumalabas siya para to mingle at may makakilalang nagtataglay ng mga mga katangiang gusto niya dahil kung lagi lang siyang nasa bahay o work, walang mangyayari.

“Wala nga akong makita, ‘te,” mabilis na sagot ng binata.

Ayaw niya ng blind date.

“Ayoko ng ganu’n, gusto ko kasi ‘yung kakaibiganin ko muna, ‘yung friends kami, gusto ko ganu’n ang foundation namin, o sige, maski hindi sobrang ganda, basta presentable,” huling tawad ng Cornerstone Talent.

At ang peg nga raw ni Erik ay ang magandang misis ni Richard Poon (RP) na si Maricar Reyes, kaya ang sabi namin, ‘Eh, bakit kasi hindi mo kaagad niligawan noong dalaga pa? Hindi naman kaagad nagkita o nagkakilala sina RP at Maricar?’

“Eh, hindi naman kasi kami nagkita rin ni Maricar that time, saka hindi kami magkakilala, hayaan mo na, kay Richard talaga naka-destined ‘yun,” hirit ni Erik.

Natatawang kuwento pa ng singer, ang gusto pa niya sa babae ay tipong natsa-challenge siya, ayaw daw niya ‘yung mabilisan.

“May naka-date kasi ako, feel na feel niyang may ka-date siyang TV personality, ‘yung taas-noo. Ayoko ng ganu’n, Ate Reggee, gusto ko ‘yung nakaka-challenge, ‘yung itatratong ordinaryo lang, hindi dahil napapanood ka or kilala ka,” kuwento ng binata.

Marami na palang nakaka-date si Erik at ‘yung iba ay hindi na niya sinisipot pagkatapos ng dalawang beses na pagkikita.

“Umiiwas na ako, panay pa rin ang text, sumasagot ako, pero halatang matabang na hanggang sa hindi na nag-text.”

Naikuwento rin ni Erik na iniimbita siya ng ex-girlfriend niyang si Rufa Mae Quinto sa kasal nito at nag-iisip siya kung pupunta siya.

“Iniisip ko nga kung pupunta ako, kasi hindi ba awkward?” tanong naman ni Erik sa kaibigan.

“‘Yung isang ex ko, pinuntahan ko, kasi okay naman, though okay naman kami ni Peachy, pero iniiisip ko pa,” sabi ulit ng binatang singer.

Hanggang sa napagkuwentuhan na malaking hirap pala ang inabot ni Erik sa panliligaw niya kay Rufa Mae, halimbawa, madaling araw niya pinupuntahan sa shooting mula 1 AM hanggang 5 AM kaya puyatan blues.

Pambubuking ng kaibigan ni Erik, nag-aral siyang magmaneho para lang kay Rufa Mae.

“Eh, kasi Ate Reggee, nakakahiya naman di ba kung may date kami ‘tapos may kasama pa kaming driver, kaya nag-aral talaga akong magmaneho, nagpaturo ako sa kaibigan ko, manual pa nga ‘yung inaral ko ‘tapos sa automatic naman pala ako babagsak,” natatawang kuwento ng singer.

Masuwerte ang mapapangasawa ni Erik dahil stable na financially ang binata na mahilig mamili ng lupa na balak niyang patayuan ng bahay para ibenta.

“Inaaral ko pa ‘yung pagbi-build and sell, pero may nabili na akong mga lupa, pati, wala akong negosyo, investments pa lang,” sabi pa ni Erik.

Tuwang-tuwa siya na may nabili siyang lupa noong ‘sila’ pa ni Rufa Mae somewhere in South dahil ang laki na ng bentahan ngayon samantalang mura lang niya nakuha noon.

Stable na rin ang career ni Erik, naabot na niya ang tagumpay, nakakapag-concert siya sa iba’t ibang bansa na pawang jampacked, at maging sa malalaking venue rin dito sa Manila tulad ng Araneta Center, sa PICC, at iba. Bumebenta ang lahat ng albums, at walang araw na bakante siya dahil limang beses sa isang linggo ay may event siya.

“Actually, Ate Reggee, sobrang thankful ako sa lahat ng blessings na nakukuha ko, siyempre sa tulong ng Backroom, ni Tito Boy (Abunda) noong nandoon ako, ‘tapos ngayon sa Cornerstone na sobrang alaga rin ako, never akong pinabayaan.

“‘Tapos nandito pa rin ako after 13 years in the business na ang dami-daming nagsusulputan ngayong bagong singers at ang gagaling lahat, ‘tapos heto pa rin ako, maraming shows, maraming nagtitiwala pa rin, kaya wala na talaga akong mahihiling pa.

“Sustaining na lang, Ate Reggee na hindi ako nawawala sa TV kasi exposure ‘yun para sa mga shows abroad, ‘yun lang naman din. ‘Tapos okay naman kaming lahat, ang parents ko na binigyan ko ng kani-kanilang negosyo, kuya ko maganda ang work, ‘yung ate ko, okay din, maraming raket kaya technically, okay na kami, apo na lang, ha-ha-ha.

“Pero as of now, nakatira pa rin ako sa bahay namin kasama parents ko, ako pa rin lahat sumasagot sa gastos sa bahay. Spoiled ang parents ko sa akin, sobrang spoiled ko sila, Ate Reggee,” seryosong kuwento ni Erik.

Sinabi namin na, ‘natutuwa ako sa ‘yo kasi nakita kita noong walang-wala ka pa na nagpangiti sa kanya.

Heto na, dahil kumakain na ang alaga ni Erickson Raymundo at napatingin na naman kami, natawa kami dahil ikinuwento ni Erik sa kasama niya na, “Alam mo ‘tong si Ate Reggee, hindi ko makakalimutan, kasi isa sa pocket presscon namin sa Backroom noong bago pa lang ako nakatitig siya habang kumakain ako ng crabs sa Red Crabs, sabi ko, bakit ka nakatitig, sabi niya, ang lakas ko raw kumain at wala akong arte kumain.”

Nakakaloka itong si Erik Santos, natandaan pa pala ‘yun, ha-ha-ha!

“Oo naman, ikaw pa, takot ako sa ‘yo, ang sungit mo kaya,” sagot kaagad sa amin.

Hay naku, bossing DMB, sobrang na-miss talaga namin kakuwentuhan ang isa rin sa gusto mong katsikahan na hindi showbiz, ‘yun nga lang, wholesome ang kuwentuhan namin ni Erik nu’ng hapon, hindi katulad dati na pawang double X rating, ha-ha-ha. (Reggee Bonoan)