Magbibigay ng karagdagang P43 million humanitarian aid ang gobyerno ng Canada bilang suporta sa mga residenteng apektado ng kaguluhan sa Mindanao, inihayag ni Canadian Ambassador to Manila Neil Reeder noong Miyerkules.
Ang anunsiyo ay kasunod ng pamumugot sa ikalawang bihag na Canadian na si Robert Hall ng militanteng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Mindanao.
Magkakaloob ang Canada ng Cad$ 1.25 million (P43 milyon) sa humanitarian organizations na Action Against Hunger at International Committee of Red Cross upang tustusan ang seguridad sa pagkain, kalusugan, kabuhayan ng mga apektadong residente at para sa emergency-preparedness sa Zamboanga at Maguindanao.
Ang pondo ay bahagi ng ipinangako ng Canadian government na Cad$ 331.5 million para sa humanitarian support sa 32 apektadong bansa kabilang ang Pilipinas, batay sa anunsiyo ni Canadian Minister of International Development Marie-Claude Bibeau sa World Humanitarian Summit sa Istanbul, Turkey. (Bella Gamotea)