INUULAN ng batikos sa social media at maging sa mga usap-sapan sa mga kampo, si Chief Supt. Ronald “Bato” dela Rosa, incoming Chief Philippine National Police (CPNP) sa mga pagkilos, pananalita at pagporma na plakadung-plakado kay incoming President Rodrigo Duterte.
Noong una, ang napapansin lamang kay Dela Rosa ay ang malulutong niyang pagmumura, sinundan ng mga mala-Duterteng pagkokomento sa mga isyu, kasama na rito ang pagtrato niya sa ilang magagandang reporter na nagkokober sa mga lakad niya, at itong pinakahuli – ang paghahamon niya ng duwelo sa mga drug lord.
Hindi naman masamang medyo gayahin mo ang iyong iniidolo, lalo na kung ito ay nakasama mo nang matagal gaya ng naging pagsasama nina Duterte bilang mayor ng Davao City at Dela Rosa na siyang chief of police ng naturang siyudad.
Pero yung mga madalas sabihin ni Duterte na pagpapapatayin niya ang mga kriminal at masasamaang loob, lalo na yung mga drug lord, medyo hindi na masarap pakinggan kung uulit-ulitin pa rin ni Dela Rosa kapag ini-interview siya ng media tungkol sa mga plano niya kapag naupo na siyang CPNP. Mas epektibo siguro kung mananahimik na lang siya pero dumarating at nakikita ang mga positibong resulta sa mga ipinag-uutos ng kanyang boss.
Ito lamang paghahamon niya ng duwelo sa mga drug lord, kumbaga sa musika, ay sobrang wala sa tono. Ang isang opisyal kasi na nasa mataas na posisyon, gaya ng pagiging CPNP, ay hindi dapat bumababa sa level ng mga kriminal, para hamunin mo pa ito ng barilan. Gaya nitong mga hinahamon niya na pawang nakakulong naman.
Ang dapat niyang gawin ay maghanap siya ng paraan para malagay ang mga ito sa bartolina nang makatikim ng tunay na parusa sa kulungan. Sa bartolina siguradong maraming silang oras para makapagmuni-muni sa kanilang mga kasalanan lalo na sa mga kabataan.
Alam kong may itinatagong galing itong si Dela Rosa. Makailang ulit niya na itong napatunayan, sa mga police operation sa Mindanao pero tahimik lang siya noon. Sana sa pag-upo niya bilang CPNP sa Hunyo 30 ay may makita at maramdaman na tayong tunay na pagbabago sa larangan ng serbisyo ng mga pulis.
Para sa inyong mga sumbong, reklamo, report, balita, papuri o puna, mga kuhang video at litrato ng mga di-inaasahang mga pangyayari, i-text lamang ang mga ito sa: Globe 09369953459 / Smart: 09195586950 / Sun: 09330465012 o kaya’y mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)