NAKAANTABAY na ang bansa—karamihan ay positibo ang inaasam, habang alumpihit naman ang ilan—sa pagsisimula ng administrasyong Duterte sa Hunyo 30, wala nang dalawang linggo ang palilipasin simula ngayon.
Inaasahan na ang malalaking pagbabago sa mga polisiya at operasyon ng gobyerno. Ito, siyempre pa, ay dahil sa ipinangako niyang pagbabago kaya naman malaki ang naging lamang ni President-elect Duterte sa iba niyang nakalaban, pawang tradisyunal, sa pagkapresidente. Ang kampanya niya laban sa krimen, partikular na sa ilegal na droga, ay agad na sisimulan, upang maisakatuparan ang tatlo hanggang anim na buwang palugit na itinakda niya sa sarili noong panahon ng kampanya. Dapat itong sabayan ng paglilinis sa hanay ng pulisya dahil ang problema sa ilegal na droga ay pinaniniwalaang lumala dahil sa pagkunsinti o pakikipagsabwatan ng mga pulis.
Kasabay nito, nasimulan na rin ang mga hakbangin upang tuldukan ang ilang dekada nang rebelyon ng New People’s Army sa paghimok sa Communist Party of the Philippines at sa National Democratic Front na magbalik sa conference table para sa usapang pangkapayapaan. Isinusulong na rin ang pagpapakilos sa mga magsasaka sa bansa upang tiyakin ang kasapatan at segruidad sa pagkain sa bansa, at gawing prioridad ang agrikultura sa pangkalahatang programa sa kaunlaran.
May mga balak din na itaas ang suweldo ng mga naglilingkod sa gobyerno, partikular na ang mga pulis at guro.
Sisikapin ding makipag-usap sa China upang tuluyan nang maresolba ang matagal na nating pakikipag-agawan sa teritoryo sa South China Sea. Sa lahat ng larangan ng gobyerno, kikilos ang lahat ng miyembro ng gabinete at maging ang iba pang opisyal, upang magpatupad ng pagbabago, ang pangunahing konsepto na nagluklok sa puwesto kay President-elect Duterte.
Ngunit kasabay ng mga pagbabagong ito sa ating bansa, masusing susubaybayan ng bansa ang estilo ng pamumuno ni Pangulong Duterte. Sa panunumpa niya sa tungkulin sa Hunyo 30, magsusuot kaya siya ng tradisyunal na barong—na minsan na niyang inilarawan bilang pamburol lamang? O magsusuot kaya siya ng simpleng damit, gaya ng putting kamiseta at pantalong maong? Sa Independence Grandstand ba ito idaraos na susundan ng enggrandang parada? O sa Rizal Ceremonial Hall ng Malacañang para malimitahan ang dadalo, o sa bakuran ng Malacañang para mas marami ang makapanood? O isasagawa kaya sa Davao City?
Ngayon pa lang ay pinag-uusapan na ng sambayanan ang State of the Nation Address (SONA) na ilalahad ng bagong pangulo sa harap ng pinag-isang sesyon ng Kongreso sa Hulyo 25. Ang kababaihan, na nakaugalian nang magpabonggahan sa naggagandahan nilang gown sa mistulang isang tunay na fashion show, ay pinayuhang dumalo suot ang simpleng kasuotang Filipina.
Marami pang pagbabago ang inaasahan, ang ilan ay sa mga pangunahin at mahahalagang aspeto. Inaasahan natin ang lahat ng ito at umaasang sa hinaharap ay maghahatid ito ng isang mas matatag, mas progresibo, at mas mahusay na bansa para sa lahat, partikular na para sa milyun-milyong naisasantabi hanggang sa ngayon.