GAGAMPANAN ni Zanjoe Marudo ang papel ng isang single father na palalakihin ang dalawang anak nang iwanan ng asawa sa Father’s Day special ng Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado (June 18).
Dahil lumaki sa hirap, ipinangako ni Juan (Zanjoe) sa kanyang sarili na kapag nagkaroon na siya ng sariling anak ay gagawin niya ang lahat upang paaralin ang mga ito.
Ngunit hindi naging madali ang lahat nang mapangasawa niya si Melissa (Dawn Chang) at nagkaroon ng dalawang anak.
Hirap ang mag-asawa na pagkasiyahin ang kita ni Juan para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan kaya napilitan si Melissa na maghanap ng trabaho sa malayong lugar.
Pero hindi na nagparamdam pang muli si Melissa sa mag-aama simulang umalis at napag-alaman na lamang ni Juan na may iba na pala itong kinakasama.
Halu-halong kamalasan na ang dumating sa buhay ni Juan at winasak pa ng bagyo ang kanilang tahanan, kaya humantong siya sa desisyong manirahan silang mag-aama sa isang kuweba.
Araw-araw ay apat na kilometro ang nilalakad ng kanyang mga anak para makarating sa eskuwelahan at inaasar pa sila ng kanilang mga kaklase dahil sa kanilang tirahan.
Saan dadalhin si Juan ng kanyang kahihiyan sa dinaranas ng mga anak? Matupad pa kaya niya ang pangako sa mga anak na bigyan sila ng magandang buhay?
Kasama sa upcoming episode ng MMK sina Xyriel Manabat, Louise Abuel, Alfonso Yñigo Delen, Karla Pambid, Tess Antonio, Justin Cuyugan, at Lemuel Pelayo. Ang episode ay mula sa panulat nina Jimuel dela Cruz at Arah Jell Badayos at sa direksiyon ni Nuel Naval.
Samahan ang MMK sa paggawa ng mas maganda pang mga alaala sa ika-25 anibersaryo nito at bisitahin angmmk.abs-cbn.com. Huwag din itong palampasin tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN ABS-CBN o ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).
Panoorin nang libre ang latest episodes nito sa iwantv.com.ph o skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.