SA pagdiriwang ng World Blood Donor Day, hinihikayat ng Philippine Red Cross (PRC) ang publiko na ipagpatuloy ang pagdo-donate ng dugo makatulong sa pagsagip ng buhay, ayon sa ulat ng Philippines News Agency (PNA).

Nagsagawa ng Advocacy Walk nitong Martes, Hunyo 14, ang PRC, katuwang ang Department of Health at Philippine Blood Coordinating Council, sa Quezon City Circle upang ipahayag ang kahalagahan ng blood donation sa pagsasagip ng buhay.

“For the Philippine Red Cross to continue helping save lives, we need blood donors to continue giving blood. Without voluntary blood donors, we will not be able to provide blood to the many patients suffering from life-threatening conditions,” ayon kay PRC Chairman Richard Gordon.

Ang pagsasalin ng dugo at blood products ay nakaliligtas ng milyun-milyong buhay kada taon.

Ayon kay Gordon, nagawang magkaloob ng 50 porsiyento ng supply ng dugo ang PRC para sa taong 2015.

Masisiguro lamang ang sapat na supply ng dugo sa pamamagitan ng regular na donasyon mula sa mga boluntaryong donor, na nasuring ligtas ang pinagkuhanan.

“We aim to provide blood and blood products to more patients in need, which is why we are encouraging more people to voluntarily donate blood on a regular basis,” aniya.

Sa Pilipinas, 118 blood units ang kinailangan kada oras, 2,832 units kada araw at isang bilyong blood units kada taon.

Hinihikayat din ng Red Cross chairman ang Red Cross 143 volunteers sa bawat barangay sa bansa na magsagawa ng blood donation drives.

“Having a readily accessible list of people in every community with their blood types will make it easy for us to identify who to tap to in case a particular blood type is needed in the community, particularly in times of disasters and emergencies,” pahayag ni Gordon.

Mula Enero 1 hanggang Hunyo 13 ng kasalukuyang taon, nagkaloob na ang PRC ng 132,249 na blood units para sa kabuuang 90,087 pasyente.

Sinusuportahan din ng PRC ang ilang charity sa pamamagitan ng Blood Samaritan Program.

Ang World Blood Donor Day ay taun-taong ipinagdiriwang upang iangat ang kamuwangan sa kahalagahan ng blood donation.