Nakopo ng Philippine Ju-Jitsu team ang apat na gintong medalya sa East and Southeast Asia Regionals Championship kamakailan sa Hanoi, Vietnam.

Nagwagi si Annie Ramirez ng dalawang ginto sa -55 kg. division at open weight category, habang nadomina nina Hansel Co at Alexander Sulit ang -77 kg. at -85 kg. division, ayon sa pagkakasunod.

Naiuwi naman ni nine-time Southeast Asian Games judo gold medalist John Baylon ang tatlong silver medal para sa koponan na nagwagi rin ng anim pang bronze sa iba’t ibang weight class.

Ayon kay Baylon, lumipat sa disiplina ng ju-jitsu matapos ang dominanteng kampanya sa judo, napapanahon ang pagsabak ng koponan para sa kanilang paghahanda sa gaganaping 5th Asian Beach Games sa Setyembre.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

“Maganda ang resulta namin lalo na’t nakikita na namin kung sino ang kalaban (sa Asian Beach Games),” sambit ni Baylon sa pagbisita sa Philippine Sportswriters Association Forum nitong Martes.

Nakapag-uwi ng tatlong gintong medalya ang Philippine Team sa 2014 Asian Beach Games.