Suportado ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang ipinatutupad na “no ransom policy” ng pamahalaan, sa kabila ng pamamaslang ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa mga bihag nito.
Gawain ng mga bandido na dumukot ng mga Pinoy at dayuhan upang ipatubos sa malaking halaga subalit kung hindi maibigay ang kanilang hinihingi ay pinupugutan nila ng ulo ang kanilang mga bihag.
Ayon kay Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez, kung papaboran ang pagbibigay ng ransom ay mas lalong lalakas ang kalakalan ng pagbili ng armas at kidnapping activities ng bandidong grupo at mas lalong darami ang kanilang bilang at mabibiktima.
“It is condemnable against the law of God inhuman, uncivilized. If I were to give my opinion, no ransom, yan ang policy ng CBCP because kapag nagbigay ka ng ransom e di may pera na sila. Meron na silang ibili ng armas, meron silang pera to recruit more kasi magandang industry ang kidnap for ransom. No ransom money!” sambit ng Obispo sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Kinondena ng Obispo ang panibagong pagpugot ng mga bandido sa ulo ng kanilang bihag na Canadian na si Robert Hall, nang mabigong maibigay ang hinihinging ransom.
Hinikayat rin niya ang kooperasyon ng mga local government unit na makipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na madakip ang mga nasa likod ng naturang krimen. (Mary Ann Santiago)