SAN JOSE CITY, Nueva Ecija - Kaagad naaresto ng pinagsanib na operatiba ng Provincial Intelligence Branch (PIB) at San Jose City Police ang isang mag-live-in partner makaraang magtangkang mangikil ng P30,000 kapalit ng pagpapalaya sa isang nahuli dahil sa ilegal na droga, matapos madakip sa entrapment operation sa Barangay Rafael Rueda sa lungsod na ito, nitong Lunes.
Kinilala ni Supt. Reynaldo Dela Cruz, San Jose City Police chief, ang naarestong sina Oliver Sauro, 39; at Diana Delos Santos, 32, kapwa vendor, ng Bgy. Sto. Nino 1st, San Jose City.
Nakorner ang mga suspek sa reklamo ni Jennifer Logmao, 46, kawani ng gobyerno, ng Bgy. Baloc, Sto. Domingo, Nueva Ecija matapos makatanggap ng text message mula sa isang nagpakilalang SPO4 Mendoza na humihingi ng P30,000 kapalit ng pagpapalaya sa kanyang mister.
Una nang nagbigay si Logmao ng P8,000 at nang humingi ng panibagong P5,000 ay ikinasa na ng awtoridad ang entrapment sa Talavera.
Kasong robbery extortion at usurpation of authority ang isinampa laban sa mga suspek. (Light A. Nolasco)