TAONG 2007 nang pinagtibay ng United Nations General Assembly ang “moratorium on the use of the death penalty” sa mga kasapi nitong bansa sa mundo. Iminungkahi sa panukala ang pagpapatigil sa pagbitay, sa hangad na tuluyang mahinto ang pagpaparusa ng kamatayan sa hinaharap. Pinagtibay ito sa botong 104—kabilang ang Pilipinas, at 54 ang tumutol, habang 29 ang tumangging bumoto. Sa kasunod na resolusyon noong 2008, nadagdagan pa ang suporta rito mula sa 106 na estado, 46 ang kumontra, at 34 ang tumangging bumoto.
Noong 2010, inaprubahan ng General Assembly ang bagong resolusyon na ginawa ng Office of the High Commissioner for Human Rights, sa mas malaking suporta—pinaboran sa 109 na boto, 41 ang tumutol, at 35 ang hindi bumoto. Iginiit ng resolusyon ang panawagan nito sa “states that still maintain the death penalty to progressively restrict its use, reduce the number of offenses for which it may be imposed, and to establish a moratorium on executions with a view to abolishing the death penalty. States which have abolished the death penalty are called upon not to reintroduce it.”
Ang Pilipinas ang unang bansa sa Asia na nagpatigil sa parusang kamatayan nang buuin ang Konstitusyon noong 1987, alinsunod sa Bill of Rights, Article III, Section 19(1): “The death penalty shall not be imposed unless, for compelling reasons involving heinous crimes, the Congress thereafter provides for it. Any death penalty already imposed shall be reduced to reclusion perpetua.” Gayunman, noong 1993, kasunod ng serye ng krimeng itinuring na karumal-dumal, muling ipinatupad ng RA 7659 ang parusang kamatayan para sa 46 na krimen, sa pamamagitan ng lethal injection, hindi tulad ng dati na isinasalang sa silya elektrika ang nagkasala.
Matapos ang pitong pagbitay noong 1999, nagpalabas ng moratorium si Pangulong Joseph Estrada sa mga pagbitay kaugnay ng paggunita sa “Jubilee Year” ng Simbahang Katoliko Romano. Binawi ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang moratorium kasunod ng pagdami ng kaso ng drug trafficking at pagdukot, “to sow fear in the hearts of criminals.”
Ngunit walang pagbitay na isinagawa, dahil nag-iisyu naman ng reprieve ang administrasyon.
Ngayon, inihayag ng administrasyong Duterte na ibabalik nito ang parusang bitay bilang bahagi ng kampanya laban sa krimen, partikular na ang pagbigti. Gayunman, iginiit ni Secretary of Justice Emmanuel Caparas na inaprubahan ng Pilipinas ang Second Optional Protocol sa International Covenant on Civil and Political Rights na layuning tuluyan nang tuldukan ang parusang kamatayan noong 2007. Sa kawalan ng paraan sa pagbawi sa protocol, aniya, kapag niratipikahan ito ng isang bansa ay hindi na maaaring ibalik ang pagbitay nang walang nalalabag na pandaigdigang batas.
Hinimok ng papatapos na administrasyong Aquino ang administrasyong Duterte na masusing pag-aralan ang usapin dahil sa mga inaasahang kumplikasyon nito sa pandaigdigang bansa at ugnayan ng Pilipinas sa ibang bansa. Maaaring maharap ang gobyerno sa parusa, gaya ng pagpapahinto sa pandaigdigang ayuda. Iminungkahi rin ang referendum sa usapin—makatutulong ito upang matukoy ang pananaw ng mamamayan—hindi lamang ng mga opisyal ng gobyerno—sa napakakritikal na usaping gaya nito.