KATATAPOS lang natin ipagdiwang ang ika-118 taon ng Kasarinlan ng ating Republika. Muli natin ginunita ang mga kaganapan at mga sakripisyo ng ating mga bayani upang maitaguyod ang pagpapapanday ng isang malaya at nagkakaisang bayan.

‘Di ba nga’t lagi nating nakakaligtaan na ang simulain ng ating pagpupumiglas sa dayuhang pananakop ay nagsimula noong Abril 27, 1521. Dito ginapi ni Lapu-Lapu si Magellan na kilala na ngayong Mactan Cebu. Sa unang pagkakataon, ang korona ng Espanya ay lumuhod sa katapangan ng mga “Indio”.

Bagay na hindi kailanman nangyari sa ibang mga kilalang bansa noong sila’y sakupin ng mga Kanluraning Sibilisasyon; gaya ng Mexico, Peru, Australia, at iba pa. Dito lang sa baybayin ng Pilipinas tumulo ang dugo ng mga “puti” sa banggaan kontra lahing kayumanggi.

Kadalasan, tuwing Araw ng Kasarinlan, ang pangunahing binibigyang-pansin ay ang Hunyo 12, 1898 na deklarasyon ng unang Pangulo ng Republika, si Emilio Aguinaldo.

Nakakaligtaan ng mga tagapagtaguyod ng media, komentarista, kolumnista, at iba pa na ang kasaysayan ng Pilipino ay hindi nakaugat sa nabanggit na petsa.

Ni sa araw ng himagsikan ni Andres Bonifacio. Bagkus ang naging mitsa sa ating pagkakakilanlan, bilang mga kapatid, mga Pilipino, ay nang patotohanan ni Jose Rizal ang kanyang mithiin na tayong lahat ay hindi nagmumula sa kanya-kanyang pulo o tribu. Tayo ay iisang bayan – Pilipino – na handa niyang pagbuwisan ng buhay.

‘Di ba’t sa kanyang panulat ay inihabilin ni Rizal, “Ating ipakita sa mga hindi naniniwala, na handa at kaya nating mamatay para sa ating minamahal, lahat ay ialay para sa Inang Bayan”. Pagkakaisa ang sigaw ni Rizal! Dahil batid niya ito ang kahinaan natin bilang isang bansa. Tayo mismo, ang sarili natin ang pinakamatinding kalaban sa “pagkakaisa”.

Nasisipat ito ng ating mga kalaban at mga dayuhan. Kung ating babalikan, mula 1521 hanggang 1897, ilang daang pag-aalsa ang naitala kontra Espanya!

Hindi magkaisa ang pagpupumiglas. Kay Magellan ilang “Indio” din ang sumapi sa dayuhan upang labanan si Lapu-Lapu.

Kaya ang layunin ng itinatag ng Katipunan ay “Pag-isahin ang isip at damdamin” nating lahat. Hindi tayo mga tribu ng Ilokano, Kapampangan, Tagalog, Bicolano, Cebuano, Ilonggo, Waray, Kristiyano o Muslim. Pilipino tayong lahat!

(Erik Espina)