Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang 36-anyos na driver ng kolorum na shuttle service dahil umano sa panghahalay ng dalawang pasahero nito sa Quezon City, noong nakaraang linggo.

Hindi na nakapalag ang suspek na si Wilfredo Lorenzo, residente ng Block 37, Lot 17, Metro Manila East, Rodriguez, Rizal, nang posasan ng mga pulis.

Ayon kay Supt. Rodel Marcelo, hepe ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sumakay ang dalawang biktima, nasa edad 22 at 27, sa Toyota Hi-Ace Grandia (ALA-6980) na biyaheng SM Fairview sa Quezon City na minamaneho ni Lorenzo sa tapat ng Centris Mall sa panulukan ng Quezon Avenue at EDSA, Quezon City, dakong 10:00 ng gabi nitong Biyernes.

Pagdating sa Batasan Hills, naiwan na lang na pasahero ni Lorenzo ang dalawang dalaga.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Sa puntong ito, nagdeklara ng holdap si Lorenzo at kanyang kakutsaba na nakilala lamang sa alyas na “Buddy” at tinangay ang salapi ng dalawang biktima na nagkakahalaga ng P16,000 at kanilang cell phone.

Bukod dito, tinali pa ng mga suspek ang kamay ng dalwang biktima, piniringan at saka ginahasa.

Iniwanan ng mga suspek ang dalawang biktima sa isang parking lot sa Barangay Sauyo, Novaliches, Quezon City, dakong 2:00 ng madaling araw.

Isang taxi driver ang tumulong sa dalawang biktima para makarating sa Novaliches Police Station upang ipaalam ang insidente.

Sa tulong ng operator ng Toyota Hi-Ace, natukoy ng mga tauhan ng Novaliches Police ang kinaroroonan ni Lorenzo sa E. Cruz St., T.S. Subdivisiion, Bgy. Kaligayahan, Quezon City nitong Lunes na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Nabawi rin kay Lorenzo ang isang sachet ng shabu, ayon sa pulisya. (Francis T. Wakefield)