Lalagda ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Office of the Ombudsman sa isang memorandum of agreement (MOA) na layuning papanagutin ang mga barangay na nagpabaya sa kalinisan ng Mabuhay Lanes bilang alternatibong ruta ng mga motorista, at ng mga estero sa Metro Manila.
Iginiit ni MMDA Chairman Emerson Carlos na responsibilidad ng mga barangay na pangalagaan ang kanilang nasasakupan.
Humingi rin ng ayuda ang MMDA sa Office of the Ombudsman para papanagutin ang mga barangay na hindi kayang panatilihing malinis ang mga estero na una nang nilinis ng ahensiya.
Bilang inisyatibo, kukuhanan ng larawan ng MMDA ang lahat ng nalinis na estero sa Metro Manila at bibigyan ng kopya nito ang mga barangay at ang Ombudsman.
Layunin nitong ma-monitor kung aling barangay ang nagpabaya sa kani-kanilang nasasakupang Mabuhay Lane at estero na gagamitin ng MMDA sa pagsasampa ng kaukulang kaso. (Bella Gamotea)