COCO LANG_please crop copy copy

HINDI na hand-to-mouth (kukunan sa kaparehong araw ang ipapalabas kinagabihan) ang tapings ngayon sa mga serye ng Dreamscape Entertainment, ayon kay Direk Malu Sevilla na isa sa mga direktor ng FPJ’s Ang Probinsyano kasama nina Direk Toto Natividad at Avel Sunpongco.

Nasalubong namin si Direk Malu sa ELJ Building noong Martes ng gabi bago kami umakyat sa grand presscon ng Born For You.

Kaagad namin siyang tinanong, Bossing DMB kung hand-to-mouth (mouth-to-mouth pa nga, biruan sa production) pa rin ang tapings nila ng aksiyon serye ni Coco Martin dahil naisasabay ng mga episode nila ang current events, tulad ng massacre sa Orlando, Florida na 49 katao ang namatay at 53 ang sugatan nang mag-amok ang isang anti-gay.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Noong Lunes ng gabi, ang pagiging bakla ni Mac Mac ang topic sa episode ng Ang Probinsyano kaya napaisip kami kung sadya ba itong isinabay sa malaking balita.

“Hindi na, matagal nang hindi, we practice na by 12 midnight ay pack-up na kaming lahat, the most is 2 AM para naman may pahinga ang lahat,” mabilis na sagot ni Direk Malu. “Minsan nga, 11 PM, tapos na kami, depende lang sa mga crucial na eksena especially sa action ‘yun, eh. Sa Dreamscape, we practice na maaga na kaming matatapos.”

May maganda naman palang naidulot ang pagpapatupad ng cut-off time sa production.

At tungkol sa episodes na napapasabay sa malalaking isyu ngayon: “Actually, kinilabutan nga kami, kasi nasasabay, hindi namin expected na sasakto ‘yung topic ni Mac Mac sa nangyari sa Orlando. Sabi nga namin, ‘ano ‘to?’

“Kasi kung matatandaan n’yo, ‘yung nangyari naman sa Close-Up (concert) na may limang namatay dahil sa drugs na ‘nilagay yata sa inumin nila, nasabay din do’n sa episode namin na about drugs.

“Actually, ‘yang drugs, mahabang usapin ‘yan, magtatagal pa ‘yan sa amin, ‘kita mo ‘yung umeere ngayon, sina Angelica (Panganiban) at Nikki (Valdez) na sangkot sa droga, di ba?

“Bago kami mag-shoot, humihingi kami sa PNP (Philippine National Police) kung ano ang malaking balita nila at iyon ang ginagawa namin. Lahat ‘yan nire-research namin bago namin i-shoot.

“Pag-uusapan muna namin, itatayo namin ang istorya, kaya nasasakto. Kami rin, nagugulat na tumatayming talaga.”

Pero hindi naman itinanggi ni Direk Malu na, “We tape six days a week, so araw-araw talaga, pero maaga kami napa-pack up. Sunday lang pahinga. Oo naman, kung wala na kaming day-off, paano na lang… (ang lovelife),” natawang sabi sa amin.

Walang pang idea si Direk Malu kung hanggang kailan eere ang FPJ’s Ang Probinsyano dahil ang management lang daw ang magsasabi sa kanila kung hanggang kailan at habang wala namang sinasabi ay tuluy-tuloy pa rin sila sa paggawa.

Abut-abot ang pasalamat ni Direk Malu nang batiin namin sa pananatiling numero uno sa ratings game ng aksiyon-serye.

“Oo nga, nakakataba ng puso kapag nakakarinig kami ng ganyan, ‘yung binabati kami. Nasusulit ‘yung pagod at puyat naming lahat. Hindi naman kasi biro rin ang tapings namin, alam mo naman si Coco, mahilig sa mga lugar na matao at masikip.

“Ano ‘yan si Coco, eh, pang-Sampaloc, ha-ha-ha, hindi ‘yan pang-Ayala, Alabang,” tumatawang sabi ni Direk Malu.

Marami pa raw magiging guests ang Probinsyano pero ang hindi makakalimutan ni Direk Malu ay si Anne Curtis na inabot ng dalawang buwan sa serye.

“Akala ko nga mainstay na siya, eh. Kasi ang tagal na niya, tuwang-tuwa kami sa kanya kasi siya ‘yung buhay ng show, tawa nang tawa. Tulog na kaming lahat, pati si Coco tulog na, si Anne kuwento pa nang kuwento, ayaw niya patulugin si Coco. Kaya naloloka sa kanya si Coco. Masarap katrabaho si Anne, walang dull moment,” masayang kuwento ng direktor.

Baka naman maraming nakaing tsokolate si Anne?

“Hindi naman, ganu’n yata talaga siya, buhay sa gabi, parang walang kapaguran,” katwiran pa.

So, tig-two weeks nga lang ba ang guesting ng mga artista sa Ang Probinsyano?

“Depende sa istorya, si Anne two weeks, sina Victor Neri, hindi inabot yata. Tuwang-tuwa naman ako kay Victor kasi unang eksena pa lang, sabi niya ‘asan na si Coco, magsusuntukan na ba kami? Sabi ko, wait lang, ini-establish ko pa lang character mo as mayor, so ‘tsaka na ‘yung suntukan. Talagang action star ang dating niya,” masayang kuwento ni Direk Malu.

Walang itulak-kaibigin si Direk Malu sa cast ng Ang Probinsyano dahil magkakasundo lahat pati sa working relationship sa crew, as in solid group talaga, walang inggitan, walang samaan ng loob, lahat masaya at kanya-kanyang dala ng pagkain. Kaya lahat daw sila nagtatabaan sa set.

“Lalo na si Tita Susan, mahilig magdala ng food, ang sarap, ‘tapos si Coco rin, ang sarap magluto. Kaya heto,” sabay pakita, “malaki tiyan kasi puro kanin ‘to, kasi hindi naman ako umiinom,” masayang kuwento pa ni Direk Malu.

(Reggee Bonoan)