Hindi na magbibigay ng extension ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga driver at operator ng mga 15-anyos na school service na nakatakdang i-phase out ng gobyerno. Paliwanag ni LTFRB Chairman Winston Ginez, nabigyan na nila ng sapat na panahon ang mga driver at operator upang i-upgrade ang kani-kanilang unit alinsunod sa modernization program ng ahensiya.

“Ito (phase out order) ay ibinaba namin noong 2014. Nagbigay kami ng phase out period para makapag-adjust muna sila at opportunity para makahanap ng financing. Sinabi namin noon na this will be implemented in school year 2015-2016,” sabi ni Ginez.

Aniya, noong 2015 ay nagbigay na sila ng direktiba para i-upgrade ang mga school service sa loob ng isang taon bunsod na rin ng kahilingan ng mga ito.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

“Kami ay pumayag, provided na mag-execute sila ng affidavit of undertaking na by June 2016 ay may bagong sasakyan na sila na compliant sa mga requirements natin,” ani Ginez.

Nilinaw ni Ginez na noong 2004 ay nagpalabas ng memorandum circular ang LTFRB at tinukoy ang guidelines para sa School Transport Service Rationalization Program.

Nakalista sa naturang alituntunin ang mga motor vehicle na pinahintulutang gawing school transport, kabilang ang mga van, jitney, mini bus, at bus. (ROMMEL P. TABBAD)