MALIWANAG na hindi gaanong napag-ukulan ng pagsisikap ng papalitang administrasyon ni Presidente Aquino – at baka makaligtaan din ng hahaliling pangasiwaan ni President-elect Rodrigo Duterte – ang pagsusulong ng sports o palakasan. Mistulang nalumpo ang ating sports development program na pinatunayan ng ating pagiging kulelat sa mga regional sports competition, lalo na sa nakaraang Olympic games. Mangilan-ngilan lang ang nasungkit na medalyang tanso at pilak – at tila walang ginto kahit isa.

Masyadong nalibang ang kasalukuyan at maging ang nakalipas na administrasyon sa makabuluhang pagpapaunlad ng palakasan. Higit nilang pinag-ukulan ng panahon ang palakasan hinggil sa pagtanggap ng mga pabigat at palpak na opisyal, paghahakot ng mga kontratang kakambal ng limpak-limpak na salapi: hindi ang palakasan tungkol sa pagbabanat ng buto at pagpapamalas ng talento ng mga manlalaro na maaaring ilaban sa mga regional at world sports competition.

Maaaring isang kalabisan, subalit marapat lamang ipagduldulan, wika nga, sa susunod na administrasyon ang ibayong pagsasanay sa palakasan. Ang larangang ito ang maglalagay sa ating bansa sa pandaigdig na sports map. Ang paghanga sa ating mga de-kalibreng manlalaro ay makatutulong din sa pag-akit ng mga turista at negosyante upang mamuhunan sa bansa.

Totoo na malimit nang napapabantog ang ating bansa dahil sa mga karangalang naiuuwi ng ating mga boksingero na tulad ni Senator-elect Manny Pacquiao at iba pa. Subalit ang taginting ng salapi na natatamo nila ay naiiba sa mga medalyang tanso, pilak at ginto na maaaring maiuwi ng ating mga manlalaro na kalahok sa iba’t ibang larangan ng palakasan.

Katunayan, kamakailan lamang ay nag-uwi ang ating mga chess players ng 29 na ginto, 24 na silver medal na lumahok sa Thailand chess competition. Dahil dito, ang Pilipinas ang pumangalawa sa 13 bansa na sumali sa naturang paligsahan.

Kahawig ito ng iba pang karangalang naiuuwi ng iba nating atleta, kabilang na ang mga persons with disability (PWD).

Lalo nating paigtingin ngayon ang sports training at development program. Pag-ibayuhin natin ang paghahanap ng sports talent sa mga kanayunan. Buhayin natin ang Gintong Alay program hinggil sa walang patumanggang pagsasanay ng mga manlalaro na inaasahang mag-uuwi ng mga karangalan, mga kabataang may talento sa palakasan.

Baka sakali na ang naturang larangan na ikinabigo ng kasalukuyang administrasyon ay mapagtagumpayan ng hahaliling pangasiwaan. (Celo Lagmay)