Maria Sharapova

LAUSANNE, Switzerland (AP) — Pormal nang inapela ni Maria Sharapova sa Court of Arbitration nitong Martes (Miyerkules sa Manila) ang two-year doping ban na ipinataw ng International Tennis Federation (ITF).

Kasama rin sa apela ng Grand Slam champion ang maagap na aksiyon upang makalahok siya sa Rio Olympics na nakatakda sa Agosto 5-21.

Nagpositibo sa ipinagbabawal na gamot na “meldonium” ang Russian tennis superstar sa pagsabak sa Australian Open nitong Enero. Kaagad na inamin ni Sharapova ang paggamit ng naturang gamot na aniya’y 10 taon na niyang iniinom bilang medesina.

NASA, inilabas larawan ng 'Christmas tree' mula sa kalawakan

Gayundin, inamin niyang nawaglit sa kanyang kaalaman na rebisahin ang bagong kalatas ng ITF kung saan kasama na ang meldonium sa mga bagong gamot na ipinagbabawal ng World Anti-Doping Agency (WADA).

Nagkabisa ang pagbabawal sa naturang gamot nitong Enero 1.

Sinang-ayunan ng CA ang hiling na “expedited procedure” ni Sharapova at sinabing maglalabas ang korte ng desisyon sa Hulyo 18.

Sakaling katigan ang hiling ni Sharapova, makalalaro ang pinakamayamang atletang babae sa mundo sa Rio Games.

“Maria looks forward to CAS hearing her appeal and hopes she’ll be able to play again,” sambit ni John Haggerty, legal counsel ni Sharapova.

“The ITF tribunal concluded she had no intent to do anything wrong and she thinks a two-year suspension is unfairly harsh,” aniya.