Kung papalarin, makakaharap ng Gilas Pilipinas ang Senegal sa semifinals ng Olympic Qualifying Tournament-Manila.
Bunsod ng senaryo, hindi lamang ang unang laro laban sa matikas na France ang kailangang paghandaan ng Gilas.
Malaki ang pinagbago ng line-up at kumpiyansa ng Senegal mula sa koponang tinalo ng Gilas, 81-79, sa overtime noong 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Dapat bantayan ang scorer na si Mouhammad Faye at rebounding demon Gorgui Dieng.
Ngunit, ayon kay coach Porfirio Fisac, mas maliksi ang bagong koponan na kinabibilangan din nina Antoine Mendy, isang 6’6 wingman na beterano sa French league at top scorer ng koponan sa nakalipas na Afrobasket tangan ang averaged 16.3 ppg.
Hindi rin dapat maliitin ang dating Ohio Bobcat standout na si Maurice Ndour, miyembro rin ng Real Madrid’s Spanish Cup champion team.
Magkatuwang naman sa backcourt sina veteran Xane D’Almeida at dating Milwaukee Panther Thierno Niang.
(Marivic Awitan)