Patung-patong na drug charges ang kinakaharap ng isang 43-anyos na preso matapos siyang muling mahulihan ng shabu habang nakapiit sa Manila Police District (MPD)-Station 7 sa Tondo, nitong Lunes ng gabi.
Isang transparent plastic na naglalaman ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad mula kay Erwin Eugenio, residente ng Dagupan Street, Tondo, kaya muli siyang kinasuhan sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ayon kay PO2 Jimmy Pelagio, jailer, nakatanggap siya ng impormasyon mula sa isang detainee na isang bisita ang mag-aabot ng shabu sa suspek.
Dahil dito, dakong 7:30 ng gabi, pagkatapos ng oras ng dalaw ay nagsagawa sila ng “surprise inspection” sa selda ng mga detainee na nagresulta sa pagkakakumpiska ng shabu.
Ang suspek ay una nang inaresto ng mga awtoridad dahil rin sa kahalintulad na kaso. (Mary Ann Santiago)